INIHAYAG ng Department of Labor and Employment (DOLE) na walang iaanunsiyong wage hike sa May 1, Labor Day.
“Sa May 1, walang lalabas na adjustment [sa sahod] agad kasi dumadaan pa sa proseso,” pahayag ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma sa isang panayam sa Dobol B TV.
Ayon kay Laguesma, walong nakabimbing wage hike petitions ang pinag-aaralan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards ng mga lugar kung saan inihain ang mga petisyon.
Ang hirit na dagdag-sahod ay para sa National Capital Region, Calabarzon, Western Visayas, at Central Visayas.
Giit ng kalihim, may time frame na dapat sundan ang mga RTWPB bago magpalabas ng desisyon sa mga petisyon.
Kabilang sa petisyon na dinidinig ng RTWPB ay ang para sa Metro Manila workers na P213 hanggang P250 umento sa daily minimum wage.