(Ayon sa DOTr) 2-ARAW NA TRANSPORT STRIKE BIGO

BIGO ang 2-araw na transport strike na isinagawa ng dalawang grupo, ayon sa Department of Transportation (DOTr).

Sinabi ni DOTr Secretary Jaime Bautista na naging epektibo ang pagsisikap ng gobyerno na mapagaan ang 2-araw na tigil-pasada.

Gayunman, sinabi ni  Bautista na nagawang lumikha ng trapik ng transport groups — Piston at Manibela-sa pagharang sa mga kalsada sa ilang lugar.

“They were successful in creating traffic. Pero we were able to prove that government is ready to address transport issues,” pahayag ni Bautista sa pagdiriwang ng ika-12 founding anniversary ng Land Transportation Office (LTO) sa Quezon City.

Aniya, ang mga nagprotesta ay maaaring panagutin sa paglabag sa trapiko tulad ng  obstruction of traffic matapos ang pagrebyu  ng LTO, Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Metropolitan Manila Development Authority at ng Philippine National Police.

“Ang nakita namin ay obstruction which created traffic. Mayroon naman silang right na ipaglaban ang kanilang karapatan, pero ‘wag naman sanang maapektuhan ang traveling public,” dagdag pa niya.

Magugunitang inokupahan ng mga miyembro ng Piston at Manibela ang southbound lane ng Quezon Avenue mula Welcome Rotonda hanggang Blumentritt magmula nang mag-vigil sila noong Lunes ng gabi.

Ang protesta ay bilang pagpapakita ng kanilang pagtutol sa PUV modernization program ng pamahalaan.

(PNA)