(Ayon sa DTI) 43 STORES LUMABAG SA PRICE FREEZE

MAY 43 tindahan ang natuklasang lumabag sa price freeze na umiiral sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity dahil sa pananalasa ng bagyong Carina at ng Habagat noong nakaraang buwan.

Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI), may 370 produkto rin ang hindi sumusunod sa suggested retail prices (SRPs).

Nag-isyu na ang DTI ng notice of violation sa retail outlets para pagpaliwanagin ang mga ito.

Ininspeksiyon ni DTI Secretary Maria Cristina Roque kamakalawa ang Guadalupe market at mga karatig na grocery store upang tiyakin kung nasusunod ang suggested prices.

Ang Metro Manila ay kabilang sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity.

Iiral ang price freeze hanggang September 24.

Kabilang sa basic goods na sakop ng price freeze ay bigas, mais, tinapay, sariwang gulay, roots crops, pork, beef, poultry, itlog, gatas, kape, asukal, mantika, asin, laundry soap, at detergent.