(Ayon sa DTI) WALA PANG PRICE HIKE SA BASIC GOODS

HINDI pa nadedesisyunan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga hirit na price hikes para sa mga pangunahing bilihin.

Ayon kay Trade Secretary Cristina Roque, kailangan pang magsagawa ng konsultasyon ang ahensiya sa petisyon sa 60 stockkeeping units (SKU) kabilang ang tinapay, canned sardines, detergent, canned meat, gatas, at noodles.

“‘Yong ingredients nila tumataas na tapos ‘yong cost of living is going higher. That’s normal naman for mga nagbebenta. We always want to increase your price so we can also have better salary,” sabi ni Roque.

Aniya, sinabi ng mga manufacturer na ang pagtaas sa presyo ng raw materials at ang paghina ng piso kontra dolyar noong mga nakaraang buwan ay kabilang sa mga salik kung kaya humihirit sila ng taas-presyo.

Gayunman, sinabi ng DTI na kinokonsidera nito kung paano makaaapekto ang pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa mga consumer.

“We also need to be sensitive to the needs of the consumers, so we need to really balance everything to be able to come up with the correct decision whether mag-increase ang price or not – na ngayon hindi napapanahon pa,” ani Roque.