(Ayon sa ECOP) P100 WAGE HIKE ISANG ‘CATASTROPHE’

NAGPAHAYAG ng pagkabahala ang Employers Confederation of the Philippines (ECOP) sa isinusulong na P100 wage hike para sa mga manggagawa sa pribadong sektor.

Sa isang panayam sa PTV’s Bagong Pilipinas Ngayon ay tinawag ni ECOP president Sergio Ortiz-Luis Jr. ang P100 minimum wage hike na isang ‘catastrophe’.

Ginawa ni Ortiz-Luis ang pahayag makaraang aprubahan ng Senado sa ikalawang pagbasa ang Senate Bill 2534  o ang “An Act Providing for a 100 Pesos Daily Minimum Wage Increase for Employees and Workers in the Private Sector”, isang linggo makaraang isponsoran ito sa plenaryo ni Senador Jinggoy Estrada.

Sa kasalukuyan, ang daily minimum wage sa National Capital Region ay P610.

Ayon kay Ortiz-Luis, ang pagtataas sa minimum wage ay magpupuwersa sa mga kompanya na taasan ang halaga ng kanilang produksiyon o magbawas ng mga empleyado.

“Alam mo naman ang ginagawa ng mga kompanya, kapag nagtaas iyan ng suweldo… dalawa lang ang puwede mong gawin, idagdag mo sa presyo mo kung kaya ng merkado. Kung hindi magbawas ka ng tao. Iyon ba ang gusto nating mangyari?” pagbibigay-diin ng ECOP chief.

Tinukoy ang pagtaya ng mga ekonomista, sinabi ng ECOP chief na ang P100 wage hike ay magreresulta sa two percentage-point increase sa inflation rate.

Ang SB 2534 ay produkto ng ilang panukalang batas na naglalayong itaas ang minimum wage, kabilang ang bersiyon ni Senate President Juan Miguel Zubiri na humihiling ng P150 across-the-board increase sa minimum wage ng mga manggagawa sa pribadong sektor.

Ang kasalukuyang bersiyon ng bill ay in- adjust mula P150 sa P100 kasunod ng pagtataas ng regional wage boards sa minimum daily wage rates mula P30 hanggang P89.

Noong nakaraang taon, nag-isyu ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board ng wage orders para sa dagdag-sahod ng minimum wage earners sa Northern Mindanao, Zamboanga Peninsula, Cagayan Valley, Central Luzon, SOCCSKSARGEN, at  Central Visayas.

Ipinaliwanag din ni Ortiz-Luis na kaunting manggagawa lamang ang makikinabang sa pagtataas ng minimum wage.

Aniya, sa 52 milyong katao sa labor market ay limang milyon lamang ang makikinabang dito.

“The 84% to 90%, will not benefit since their wages are already above the minimum wage,” dagdag pa niya.