(Ayon sa Forbes Advisor) PAGIGING DELIKADONG LUGAR NG MAYNILA INALMAHAN PNP

AALAMIN ng Philippine National Police (PNP) ang naging basehan ng Forbes Advisor para ituring na ika-lima ang Maynila na delikadong puntahan ng mga turista.

Sa panayam kay PNP Public Information Office Chief Col. Jean Fajardo, inamin nitong nakita na nila ang report ng Forbes at nais nito aalamin ang naging basehan at kung kailan isinagawa ang survey.

Kaugnay nito, kinausap na rin ng liderato ng PNP ang district director ng Maynila na si BGen. Thomas Ibay at sinabing hindi naman sila nagpapabaya sa seguridad at peace and order sa nasabing lungsod.

“Nakita na nga natin ‘yang report na yan at titingnan natin kung ano ba ‘yung mga naging basehan, kailan ba ito na-conduct ng survey but on the part of the Manila ay nakausap natin yung DD at sinasabi niya na hindi naman sila nagpapabaya pagdating sa peace and order situation sa area,” ayon kay Fajardo.

Aniya, posible naman na kaya naituring na delikado para sa turista ang Maynila ay dahil mataas ang populasyon ng lungsod at inaasahan na kapag maraming tao sa lugar ay hindi basta maiiwasan ang krimen.

Gayunpaman, tiniyak ng PNP na ang lahat ng mga kriminal ay napapanagot at nasosolusyunan ang krimen dahil na rin sa pagtugon ng mga pulis sa kanilang mandato.

Habang ang mga naitatalang krimen ay nagiging gabay ng PNP para paigtingin ang police visibility lalo na sa crime prone areas gayundin ang tourist spots.

“Bagaman talaga naman ‘yang Manila particularly ay talagang densely populated yan. We expect na talagang meron at meron krimen na maitatatala but ang sinasabi natin kung hindi man natin mapi-prevent ‘yung occurrence ng crimes ay we make sure na mahuhuli natin yung mga involved at naso-solve natin ‘yung krimen at ito din naman ay magsisilbing giya ng PNP para mas lalong paigtingin yung ating mga police presence particularly doon sa mga crime prone areas at nabanggit niyo rin pati rin yung mga tourist spots diyan sa lungsod ng Maynila,” dagdag pa ni “Fajardo.

Magugunitang sa report ng Forbes Advisor, kanilang isinailalim sa pag-aaral ang 60 international cities at ang Maynila ay nakakuha ng 91.49 points sa overall risk.
EUNICE CELARIO