(Ayon sa LTFRB) WALANG DAGDAG NA MOTORCYCLE TAXIS SA METRO

HINDI na magbubukas ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng bagong slots para sa motorcycle taxis sa Metro Manila.

Ayon kay LTFRB chairman Teofilo Guadiz III, alinsunod ito sa direktiba ni Department of Transportation (DOTr) Sec. Jaime Bautista.

Ani Guadiz, inatasan siya ni Bautista noong nakaraang linggo na itigil na ang pagbubukas ng bagong slots para sa motorcycle taxis sa Metro Manila.

“Sa labas ng Metro Manila puwede pa po, the 8,000 slots will have to be made outside Metro Manila,” sabi ni Guadiz.

Sinagot din ni Guadiz ang mga alegasyon ng iregularidad sa motorcycle taxi pilot study.

Aniya, may komite na humahawak doon, kung saan ang lead agency ay ang  LTFRB, vice chairman ang Asec. ng LTO, at  senior member ang tanggapan ng  transport cooperative.

“The last person to sign the resolution is the chairman of the LTFRB, so the allegation of irregularity is highly suspicious and preposterous. Never ho akong nagkaroon ng hand dito,” paliwanag ni Guadiz.

Aniya, sa simula, ang tatlong grupo na binigyan ng slots para mag-operate ay ang Angkas, Joy Ride, at Move It. Subalit sa rekomendasyon ng Kongreso, palalawigin ang pilot study sa labas ng Metro Manila para maisama ang iba pang  players.

Sa Metro Manila lamang, sinabi ni Guadiz na nakapagbigay na ang LTFRB ng 45, 000 slots para sa motorcycle taxis para sa unang tatlong players. Nilinaw rin niya na ang nasabing slots ay iginawad ng nagdaang LTFRB administration.