INIHAYAG ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na walang naging epekto ang isinagawang ng tigil-pasada ng grupong PISTON na nag-umpisa kahapon.
Sa isinagawang press conference, sinabi ni MMDA Acting Chairperson Atty. Don Artes na bigo ang mga grupong pang-transportasyon na paralisahin ang biyahe ng mga pampublikong sasakyan.
Aniya, batay sa pinakahuling datos, aabot sa 1,545 na mga pasahero ang naserbisyuhan ng libreng sakay na ipinagkaloob ng mga lokal na pamahalaan gayundin ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Aabot sa 66 na mga sasakyan ang ipinakalat para magserbisyo sa mga nai-stranded na pasahero sa iba’t ibang lugar.
Kabilang sa mga apektadong lugar ay ang mga lungsod ng Quezon, Pasig, Parañaque, Muntinlupa, Taguig at Maynila. EVELYN GARCIA
DAY 1 NG TRANSPORT
STRIKE MAPAYAPA
TINAYA ng Philippine National Police (PNP) na mapayapa ang unang araw na tigil-pasada na ikinakasa ng Pagkakaisa ng Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON).
Ayon kay Col. Jean Fajardo, walang naitalang untoward incidents sa kalye kahit pa nagsagawa ng demonstrasyon ang mga jeepney driver bitbit ang streamer na may nakalagay na ‘No to Jeepney Phaseout.’
Sinegundahan naman ng National Capital Region Police Office ang pagtaya ng PNP National Headquarters na generally peaceful ang transport strike dahil wala naman matinding reklamo silang natanggap.
Una nang sinabi ng PISTON na hanggang bukas, Nobyembre 22, ang transport strike.
Agad umarangkada kahapon ang demonstrasyon ng mga miyembro ng PISTON na kalaunan ay nilahukan ng grupong MANIBELA.
Pasado alas- 7 ng umaga kahapon nang simulan ang kanilang programa kung saan nagpunit ang grupo ng mga larawan ng makabagong jeep o modernized jeep.
Hindi naman magpapakampante ang PNP at patuloy ang monitoring gamit ang kanilang Command Center sa Camp Crame upang maiwasan ang kaguluhan.
EUNICE CELARIO