MAS maraming Pinoy ang itinuturing ang kanilang mga sarili na mahirap sa second quarter ng 2023, ayon sa Tugon ng Masa (TNM) survey na isinagawa ng OCTA Research.
Sa survey na isinagawa mula July 22 hanggang 26 ay lumitaw na 50% o tinatayang 13.2 million Filipino families ang kinokonsidera ang kanilang mga sarili na mahirap. Mas mataas ito sa tinatayang 11.3 million families na naitala noong March 2023.
Ang pagtaya ay base sa kabuuang bilang ng mga kabahayan sa 2020 Census of Population and Housing.
“This is an additional 1.9 million Filipino families who now consider themselves poor or ‘new poor’ compared to the First Quarter TNM Survey conducted last March 2023,” pahayag ng OCTA Research.
Pangunahing sanhi ng pagtaas sa bilang ng self-rated poor families ay ang malaking pagtaas sa Visayas (mula 37% sa 57%) at Mindanao (45% sa 59%).
Kumpara sa ibang major areas, ang Mindanao ang may pinakamataas na porsiyento ng adult Filipinos na itinuturing ang kanilang pamilya na mahirap.
Ayon pa sa survey, mayorya o 60% ng adult Filipinos ang naniniwala na ang estado ng kahirapan sa bansa ay hindi nagbago kumpara noon.
Ang survey ay may ±3% margin of error sa 95% confidence level. May kabuuang 1,200 adult respondents ang ininterbyu para sa survey.