(Ayon sa OTC) P50 PASAHE SA JEEPNEY WALANG BASEHAN

WALANG basehan na itaas ang minimum fare sa jeepneys sa P50 dahil sa pagpapatupad ng public utility vehicle (PUV) modernization program, ayon sa Office of Transportation Cooperatives (OTC).

Sa panayam sa Super Radyo dzBB, sinabi ni OTC chairman Andy Ortega na sa nakalipas na anim na taon, ang minimum fare ay tumaas lamang mula P9 sa P13 para sa traditional jeepneys, at P11 sa P15 para sa modern jeepneys.

“Sa mga nagsasabing aangat ng P30, P40, P50, I think let us all be sensitive sa sitwasyon. This is a very hot issue, napaka-kontrobersiyal ng ganong pananalita. I think it’s just right that we do not give statements na walang basehan at nakakasama,” sabi ni Ortega.

Aniya, wala silang nakikitang basehan na makalipas ang limang taon ay magiging P50 ang pasahe.

Nauna rito ay nagbabala ang commuters’ group PARA-Advocates for Inclusive Transport na papalo sa P50 ang minimum fare sa modern jeepneys, binigyang-diin na ang PUV modernization program ay may kaakibat na malaking financial burden sa mga operator at driver.

“Meron tayong malaking cost ng modernization. Hindi lang ito ‘yung unit, kasama rito ‘yung garahe, fees sa paggagawa ng coop, pagha-hire ng mekaniko at marami pang iba,” sabi ni PARA-AIT Convenor Edrich Samonte.

Nauna na ring pinawi ng Department of Transportation (DOTr) ang pangamba sa posibleng taas-pasahe sa jeepneys. Ayon sa ahensiya, ang fare hike ay kailangan munang dumaan sa proseso ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).