(Ayon sa OWWA:) WALA PANG MASS REPATRIATION NG OFWS SA UKRAINE

Hans Leo Cacdac

HINDI pa ipinag-uutos ng Philippine government ang mass repatriation mula sa Ukraine sa kabila ng tensiyon sa pagitan ng Ukraine at ng Russia, ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Sa panayam sa radyo, sinabi ni OWWA Administrator Hans Cacdac na may 380 Pilipino ang nakatira sa Ukraine, karamihan sa kanila ay sa Kyiv na capital ng Ukraine.

Sa naturang bilang, limang Pinoy – apat na adults at isang sanggol — ang nagpasiyang umuwi sa Pilipinas noong Biyernes sa gitna ng mga ulat ng napipintong Russian invasion.

Gayunman, sinabi ni Cacdac na hindi pa itinataas ng pamahalaan ang Alert Level 4 sa Ukraine para ipag-utos ang repatriation orevacuation.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), ang Alert Level 4 ay ipinalalabas kapag may “large-scale internal conflict o full-blown external attack” sa isang lugar.

“Sa ngayon, ang approach ay tila wait and see. Tingnan kung ano ang mangyayari. Hindi pa nakataas ang highest alert level sa panig ng pamahalaan natin, sa side ng DFA at POEA (Philippine Overseas Employment Administration), so wala pang mandatory repatriation,” ani Cacdac.

Gayunman ay sinabi niya na nag-aalok ang Philippine Embassy sa Warsaw ng libreng flights pabalik sa Pilipinas at nakikipag-ugnayan na sila sa DFA para malaman kung sino sa mga Pilipino roon ang gusto nang umuwi.

“Sa huling pagkakaulat sa atin ay may dalawa na nag-express ng interest na makauwi. Other than that, hindi pa natin nakikita ‘yung tinatawag na mass repatriation dito sa Ukraine,” dagdag pa niya.

Paliwanag pa ni Cacdac, naghihintay pa sila ng mga bagong kaganapan hinggil sa sitwasyon sa Ukraine, ngunit tiniyak na may crisis manual para sa repatriation ng mga Pilipino sakaling sumiklab ang giyera roon.

“We will be ready. We stand ready, of course. This is not the first time that we will be doing this. Meron na ‘yang mga [there are] identified relocation points, exit points.”