MAY 40,000 Filipino workers mula sa 43 legal Philippine Offshore Gaming Operators ang maaapektuhan ng ban sa POGO firms, ayon sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Sinabi ni PAGCOR chairperson and CEO Alejandro Tengco na may 31,000 direct POGO employees at mahigit 9,000 workers sa special business process outsourcing ang inaasahang mawawalan ng trabaho kasunod ng direktiba ni Presidente Ferdinand Marcos sa kanyang ika-3 State of the Nation Address (SONA) noong Lunes.
‘Yung legal po sa ngayon, I’m talking of Filipino workers…Halos po yan, 31,000 ‘yung directly na nagtatrabaho,” pahayag ni Tengco sa isang panayam sa Super Radyo dzBB.
“Meron pong halos 9,800, almost 10,000 sa mga SBPO, yung special class ng BPO. Wala silang kinalaman sa any gaming operation,” dagdag pa niya. “Sila po ay tulad ng mga BPO industry pero ang kanilang mga kliyente ay mga gaming companies sa Amerika, sa Canada, at sa Europa.”
Hindi pa, aniya, kasama sa bilang ang drivers, security guards, messengers at helpers sa POGOs.
Ipinagbawal ni Presidente Marcos ang lahat ng POGOs sa bansa matapos matuklasan sa serye ng mga pagsalakay laban sa illegal POGOs ang mga kagamitan na ginagamit sa pag-torture, love scams, at iba pang krimen.
Ipinaliwanag ni Marcos na ang POGOs ay nasangkot na sa scamming, money laundering, prostitution, human trafficking, kidnapping, torture, at murder.
Sinabi pa ng PAGCOR na inaasahang aabot sa P7 billion na kita ang mawawala sa pagbabawal sa POGOs.
Dagdag pa ng PAGCOR, nakikipag-ugnayan na ito sa mga economic manager at sa Department of Labor and Employment (DOLE) sa kung ano ang susunod na mangyayari sa sandaling mawalan ng trabaho ang local POGO workers.