ILOCOS SUR – INIHAYAG ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Huwebes na nabawasan na ang naitalang offshore quakes sa lalawigang ito.
“Nabawasan na po iyong bilang ng mga lindol. Iyong pinakamarami ay naitala between Dec. 19 to 20. But for the past 24 hours, isang earthquake na lamang po ang naitala natin,” pahayag ni Phivolcs Director Teresito Bacolcol.
Hanggang nitong Miyerkules, ang paggalaw sa Manila Trench sa Santa Catalina, Ilocos Sur ay nabawasan sa nakalipas na limang araw kumpara sa nakaraang linggo, batay sa pinakabagong datos ng Phivolcs.
Nasa 70 offshore quakes ang naitala noong Disyembre 19; Disyembre 18 ay nasa 56 at 24 noong Disyembre 17.
“Bagama’t bumaba na ang bilang ng lindol, patuloy pa rin nating pinaalalahanan ang ating mga kababayan na maging alerto at handa sa anumang posibleng panganib ng lindol hindi lamang sa Ilocos Sur kundi pati na rin sa ibang bahagi ng bansa,” wika ni Bacolcol.
Samantala, nagbabala naman si Bacolcol na ang paggalaw ng kabuuang Manila Trench ay hindi lamang maaaring magresulta sa malakas na lindol kundi sa mataas na tsunami.
Nauna nang sinabi ng Phivolcs na nakaamba ang 8.4 magnitude na lindol.
“So, if it does happen, it could also generate tsunami waves as high as 10 meters in some areas. So, that is why it’s very important to be prepared,” pahayag ni Bacolcol.
“If there’s a strong shaking na halos hindi ka na makatayo; and if there is a sudden drop of sea level; or if there’s a roaring sound coming from the sea, kahit isa man lang dito sa tatlo ang maramdaman o ma-observe ninyo kung nasa dalampasigan kayo or nasa baybayin ay agad po kayong lumikas patungo sa matataas na lugar,” pagtatapos ng opisyal.
EVELYN GARCIA