(Ayon sa price watch group) PRESYO NG BIGAS TULOY SA PAGTAAS

PATULOY ang pagtaas ng presyo ng bigas, ayon sa price watch group Bantay Bigas.

Sinabi ni Bantay Bigas spokesperson Cathy Estavillo na pumapalo na sa P54 hanggang P60 kada kilo ang presyo ng bigas sa ilang pamilihan sa  Metro Manila.

Yung P54 to P60, napakataas na ‘yan para sa ating mga ordinaryong mamamayan, consumers. So ito nga ang lagi nating pinapanawagan sa gobyerno na aksiyunan na, kailangang mag-subsidize ng presyo ng bigas ay gawin niya na. At the same time, talagang i-prioritize ‘yung mga field, mga lupain na taniman ng palay pagdating sa irrigation,” sabi ni Estavillo.

Nangangamba si  Estavillo na posibleng tumaas pa ang presyo ng bigas sa mga susunod na araw dahil sa El Niño phenomenon, na nararanasan ngayon sa ilang bahagi ng bansa.

Aniya, ang mas mataas na pesyo ng bigas at iba pang agricultural products ay magreresulta sa mas mataas na inflation rate.

Ang rice inflation ay  bumilis sa 22.6% noong Enero mula sa  19.6% noong Disyembre 2023.

Ayon kay National Statistician at PSA chief Claire Dennis Mapa, isa itong bagong 14-year high para sa rice inflation o ang pinakamataas magmula noong Marso 2009, nang maitala ang rice inflation sa 22.9%.

Ipinaliwanag ni Mapa na  malaki ang itinaas ng presyo ng bigas sa pandaigdigang merkado.

Sinabi pa ng PSA chief na ang mas mabilis na  rice inflation ay dahil sa low base effect na naitala noong Enero hanggang Hulyo 2023,  nang ang rice inflation ay  “relatively low.” “May mababang base na pinanggalian ang presyo ng bigas,” ani Mapa.