(Ayon sa Pulse Asia survey) 76% NG MGA PINOY SUPORTADO ANG CELLPHONE BAN SA ISKUL

cellphone

SUPORTADO ng walo sa 10 Pilipino ang pagbabawal sa paggamit ng cellphone sa mga paaralan.

Ito ang lumabas sa isang Pulse Asia survey na kinomisyon ni Senador Win Gatchalian at isinagawa noong Hunyo 17-24, 2024.

Ayon sa survey, 76% ng 1,200 adult respon­dents sa buong bansa ang sumasang-ayon sa pagpapatupad ng cellphone ban sa mga paaralan.

Labintatlong porsiyento ang hindi sumasang-ayon, samantalang 11% naman ang nagsasabing hindi nila ma­sabi kung sumasang-ayon sila o hindi.

Ang panukala ay suportado ng mayorya ng mga Pilipino anumang socioeconomic class ang pinagmulan nila. Pinakamalakas ang suporta sa Class ABC (80%), kasunod ang Class D (76%), at  Class E (71%).

Kung susuriin naman ang iba’t ibang lokasyon sa bansa, lumalabas na suportado pa rin ng ma­yorya ng mga Pilipino ang panukalang ipagba­wal ang paggamit ng cellphones sa mga paaralan.

Lumalabas na halos 8 sa 10 kalahok sa National Capital Region (80%), Balance Luzon (79%), at Mindanao (81%) ang sumasang-ayon sa naturang panukala. Samantala, 6 sa 10 (61%) na kalahok naman mula sa Visayas ang sumasang-ayon dito.

Para kay Gatchalian, ipinakikita ng survey na nakikita ng mga Pilipino ang maaaring maging benepisyo sa pagbaba­wal ng paggamit ng cellphone sa paaralan, lalo na’t nakaaapekto sa performance ng mga mag-aaral ang abalang dulot ng mobile phones.

Batay sa pagsusuring ginawa ng Senate Committee on Basic Education sa 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), 8 sa 10 mag-aaral na may edad 15 ang iniulat na naabala sila sa klase dahil sa paggamit nila ng smartphones, at 8 rin sa 10 ang nag-ulat na naabala sila sa paggamit ng ibang mga mag-aaral ng kanilang smartphone.

Noong nakaraang Hunyo, inihain ni Gat­chalian ang Electronic Gadget-Free Schools Act (Senate Bill No. 2706) na layong ipagbawal ang paggamit ng mobile devices at electronic gad­gets mula Kindergarten hanggang senior high school sa loob ng mga paaralan habang may klase.

“Malinaw na suportado ng ating mga kababayan ang ating panukala na ipagbawal ang paggamit ng mga cellphones sa mga paaralan, lalo’t na’t ang paggamit nito sa oras ng klase ay maaaring makapinsala sa kanilang pag-aaral. Kaya naman patuloy nating isinusulong ang panukalang batas na magbabawal sa paggamit ng cellphone sa oras ng klase,” ani Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.

VICKY CERVALES