SI Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang No. 1 na pinili mula sa listahan ng presidential candidates sa 2022 elections, ayon sa pinakahuling survey na isinagawa ng RP-Mission and Development Foundation Inc. (RPMD).
Nakakuha si Moreno ng 25.39 percent sa buong Pilipinas at nanguna rin siya sa tatlong geographic areas: 30.53 percent sa National Capital Region (NCR); 24.63 percent sa Visayas; at 22.70 percent sa Mindanao.
Sa Balance Luzon lamang malapit na sumegunda si Moreno sa 25.84 percent.
Isinagawa ang nationwide survey ng RPMD noong Oktubre 17-26, 2021 kung saan 10,000 respondents ang kinapanayam base sa tanong na: Sino ang iboboto mong presidente kung gaganapin ang halalan ngayong araw?
Ang listahan ng mga tumatakbo sa pagka-pangulo ay base sa kung sino ang nag-file ng kanilang certificate of candidacy (COC) noong Oktubre 1-8 at itinuturing na “serious” candidate pagdating sa track record, partido at kapasidad na maglunsad ng presidential campaign.
Kasama sa listahan ayon sa pagkaka-una ay sina Moreno (25.39%), Ferdinand “Bongbong” Marcos (23.10%), Maria Leonor “Leni” Robredo (18.31%), Emmanuel ‘Manny” Pacquiao (17.88%), Panfilo “Ping” Lacson (7.08%), Ronald “Bato” De la Rosa (3.41%), at Ernesto “Ernie” Abella (0.81%).
Ang mga undecided (Don’t Know/Refused/None) ay nasa 4.02 percent ng 10,000 respondents na may 100 percent reply.
Noong nakaraang Aug. 1-20. 2021 survey ng RPMD, si Moreno ay pumangalawa na may 14.21 percent, ngunit nanguna sa NCR (22.31 percent) at pangatlo sa Balance Luzon (15.51%), sa Visayas (15.45 %) at Mindanao (6%).
Ayon kay Angelito Banayo, political strategist ng Team Isko-Willie, ang pagtaas ni Moreno sa survey ay nagpapahiwatig na ang kaniyang mensaheng “pagtapyas ng 50 percent sa buwis ng langis at koryente para maibsan ang paghihirap ng mga tao” ay matunog sa publiko.
“Inilantad ni Mayor Isko ang kaniyang tax-cut plan sa pakikipag-pulong sa mga magsasaka sa Tarlac City noong October 21, na sakop ng survey period. Ang ibig sabihin nito ay matunog sa tao ang plano niya ‘pag siya ay naging presidente,” ang sabi ni Banayo.
“Ang pangunahing tema ng kampanya ni Isko Moreno at Doc Willie Ong, kasama ng kanilang mga kandidato sa Senado, ay magtrabaho para sa tao, kasama ng mga tao. Tao muna. Mabawasan ang hirap ng tao lalo na sa panahon ng pandemya at kawalan ng hanapbuhay. Buhay at Kabuhayan,” paliwanag ni Banayo.
Noong Oktubre 15, nagtungo si Moreno sa Lipa, Batangas kung saan nakuha niya ang suporta ng One Batangas Coalition na pinapangunahan ni Sen. Ralph Recto, na nagsabi rin sa kaniyang mga kababayan na kung ano ang nagawa ni Mayor Isko sa Manila, magagawa rin niya sa buong bansa.
Nagtungo rin si Moreno sa Pampanga noong Oktubre 28 at sa Nueva Vizcaya noong Oktubre 30.
Ang pambato ng Aksyon Demokratiko ay nasa Quezon City noong Oktubre 29 at nasa Caloocan City ng gabi ng Okt. 30, kung saan sinuportahan din siya ng mga lokal na lider tulad nina Rep. Egay Erice, ang kandidato ng Aksyon candidate para sa mayor ng Caloocan, at Councilor Irene Belmonte ng Quezon City. ROMER BUTUYAN