(Ayon sa SINAG) FARMGATE PRICE NG AGRI PRODUCTS ‘DI GUMALAW

NILINAW ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na walang paggalaw ngayon sa farmgate price ng maraming agricultural products.

Sa pulong kasama sina House Speaker Martin Romualdez at Deputy Majority Leader Erwin Tulfo, sinabi ni Jayson Cainglet, executive director ng SINAG, na tatlong buwan nang hindi tumataas ang farmgate price kaya hindi dapat isisi sa mga magsasaka at producer kung nagkakaroon man ng pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin.

Ang dapat aniyang tugunan ay ang ‘disconnect’ o ang pagtaas ng presyo pagdating sa retail price ng  mga pangunahing bilihin.

Halimbawa rito ang presyo ng baboy na nasa P220 lang ang farmgate price pero pagdating sa palengke ay pumapalo sa P360 hanggang P400 kada kilo.

Maging ang manok na P90 kada kilo lang ang farmgate price ay dapat nasa P190 kada kilo lamang ang presyo pero pumapalo sa P200 kada kilo sa palengke.

Dahil dito, humingi na ng tulong sa Kongreso ang SINAG para masolusyunan ang tumataas na presyo ng ilang pangunahing bilihin.

Hiniling din nito na gamitin ang oversight functions ng Kongreso para matukoy kung may nananamantala sa value chain.

PAULA ANTOLIN