(Ayon sa solon) POGOs ‘DI KAWALAN SA EKONOMIYA

Win Gatchalian

TINIYAK ni Senador Win Gatcha­lian na hindi kawalan sa ekonomiya ng bansa kung ipatitigil ang operas­yon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

Ginawa ni Gatchalian ang paha­yag kasabay ng pagdinig ng Senado sa  alegasyon ng paglabag sa anti-money laundering matapos na mabuking na nagpapasok ng milyon-milyong dolyar ang mga Chinese national na dumara­ting sa bansa na kalaunan ay nagiging empleyado ng POGOs.

Paliwanag ng senador, noong 2016 ay wala namang POGOs sa bansa su­balit  patuloy ang paglago ng gross domestic product (GDP) at maging noong 2017.

Aminado si Gatchalian na ang ta­nging epekto nito ay mababakante ang mga condominium dahil mawawala na ang mga nakatirang Chinese national na mga empleyado ng POGOs.

Subalit dahil sa patuloy na pag-a­ngat ng ekonomiya ay tiyak aniyang may magrerenta sa mga mababakanteng condominium at mga establisimiyento dahil may mga bagong magtatayo ng mga negosyo.

Iginiit pa ni Gatchalian na tanging ang Pagcor ang kumikita rito ng P6 bil­yon subalit wala naman aniyang pakinabang ang Bureau of Internal Revenue (BIR) at ang iba pang ahensiya ng gob­yerno.

Aniya, kung tutuusin ay mas abonado pa ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga criminal law sanhi ng prostitution, kidnapping, human trafficking at money laundering dulot ng POGOs at Chinese nationals.

Dagdag pa ni Gatchalian, hangad ng taumbayan ang tahimik na bansa na walang katatakutan na kidnapping na dulot ng POGOs.

Suportado rin ng senador ang panawagan na suspendihin ang operas­yon ng POGOs hanggang walang safeguards na nagagawa ang gobyerno. VICKY CERVALES

Comments are closed.