HALOS kalahati ng mga Pinoy ay itinuturing pa rin ang kanilang mga sarili na mahirap, ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS).
Sa nationwide survey na isinagawa noong December 2023, nasa 47% ng mga respondent ang nagsabing mahirap sila, na katumbas ng tinatayang 13.0 million self-rated poor families. Bahagya itong bumaba mula sa 48% o 13.2 million families noong September, at bumaba mula sa 51% noong December 2022.
Ang bahagyang pagbaba ay dahil sa pagbaba sa Mindanao kung saan ang self-rated poverty ay bumaba sa 61%i mula 71% noong September, subalit bahagya itong na-offset ng pagtaas sa balance Luzon sa 39% mula 35%.
Bahagya ring bumaba ang self-rated poverty sa Metro Manila sa 37% mula 38%, at sa Visayas region sa 58% mula 59%.
Sa 13 million self-rated poor families, 2.2 million ang nagsabing “newly poor” sila o hindi sila mahirap sa nakalipas na apat na taon, habang 1.6 million ang nagsabing “usually poor” sila at 9.2 million ang “always poor.”
Dahil dito, ang annual average ng self-rated poor families ay nanatili sa 48% noong 2023, kapareho noong 2022 at mas mataas ng three percentage points sa pre-pandemic average na 45% na naitala noong 2019.
Samantala, 20% ng respondents ang itinuturing ang kanilang mga sarili na hindi mahirap, na bumaba mula sa 25% na naitala noong September 2023 dahil sa pagbaba sa balance Luzon sa 27% mula 40%.
Ang percentage ng respondents na nagsabing hindi sila mahirap ay tumaas sa Metro Manila sa 35% mula 33%, sa Mindanao sa 6% mula 4%, at bumaba sa Visayas sa 7% mula 8%.
PAULA ANTOLIN