(Ayon sa SWS survey) 47% NG MGA PINOY POSITIBONG BUBUTI ANG KALIDAD NG BUHAY

HALOS kalahati ng mga Pinoy ang umaasang bubuti ang kalidad ng kanilang buhay sa susunod na 12 buwan, ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS) na inilabas nitong Huwebes.

Lumitaw sa survey na isinagawa noong Sept. 14-23 na 47 percent ng mga respondent ang naniniwalang bubuti ang kalidad ng kanilang buhay, habang 40 percent ang nagsabing hindi ito magbabago, at 5 percent ang lalala ito.

Ang nalalabing 8 percent ay hindi nagbigay ng sagot.

Ang net personal optimism score ay +42, na kinaklasipika bilang “excellent” ng SWS.

Ang September net personal optimism score ay pareho sa excellent +41 na naitala noong Hunyo, bahagyang tumaas mula sa +37 noong Marso.

“The stability of the national score was due to slight increases in Metro Manila and the Visayas, combined with a slight decrease in Mindanao and a steady score in Balance Luzon,” ayon sa SWS.

Para sa Metro Manila, ang net personal optimism ay tumaas ng 5 points mula +40 noong Hunyo sa +45 noong Setyembre.

Ang Balance Luzon ay bumaba mula +49 sa +48 subalit nanatiling “excellent.”

Ang Visayas ay nagtala ng 4-point increase mula high sa very high, tumaas mula +27 sa +31.

Sa Mindanao, ang iskor ay bumaba ng 2 points ngunit nanatili sa very high +37.

Ang survey ay isinagawa gamit ang face-to-face interviews sa 1,500 adults sa buong bansa. Mayroon itong sampling error margins na ±2.5 percent para sa national percentages. ULAT MULA SA PNA