Patunay ang patuloy na pamamayagpag ni Presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., sa pinakahuling Presidential survey ng SWS na lalong tumitibay ang tiwala ng mga mamamayan sa kanya at sa isinusulong niyang mapagkaisang pamumuno.
Ito ay ayon na rin sa resulta ng SWS survey na isinagawa nitong Oktubre 20 hanggang 23 na kinomisyon ng Stratbase ADR Institute Inc.
Kasabay nito, nagpasalamat ang kampo ni Marcos sa patuloy na pagbuti ng kanyang numero sa nasabing survey. Saad pa ng kampo ni Marcos na buong kababaang-loob niyang tinatanggap ang resulta at nananatili siyang nakatuon sa pagbuo ng mga hakbangin upang itaguyod ang bansa kapag nabigyan ng pagkakataon na maglingkod sa 2022.
“Unifying Presidential aspirant Bongbong Marcos is humbled by the very encouraging results showing him lead survey after survey but has remained focused on the delicate task ahead of how to navigate and get us all out of this crisis brought by the pandemic when given the chance to lead the country in 2022,” ani Atty. Vic Rodriguez, tagapagsalita at chief of staff ni BBM.
Nagpapasalamat ang PFP executive vice president at spokesperson ni Marcos sa taumbayan na patuloy na sumusuporta at nagtitiwala sa panawagang itakwil at tapusin na ang kultura ng maruming pamumulitika gamit ang paninirang puri.
“Let us instead elevate the level of political discourse and talk about nation-building,” sabi pa ni Rodriguez.
“It is clear to Bongbong Marcos that this election is about the future, the future of every Filipino and the future of our nation,” dagdag pa ni Rodriguez.
Nabatid na si Marcos ay nakakuha ng 47 percent ng mga boto, habang malayong nakasunod sa kanya si Vice-President Leni Robredo na may 18 percent. Pumangatlo naman si Manila Mayor Isko Moreno na nakakuha ng 13 percent, pang-apat si Senador Manny Pacquiao, 9 percent; at tabla sa pang-limang puwesto sina Senators Panfilo Lacson at Bato dela Rosa na kapwa may 5 percent.
Hindi sinabi sa report kung ilan ang kabuuang bilang ng mga respondent sa naturang survey at hindi rin isinama ang pangalan ng isa pang presidential candidate na si Labor leader Leody de Guzman.
May tatlong porsiyento naman ang sinasabing ‘undecided’ pa sa pagboto sa pampanguluhan.
Samantala, nakakuha naman ng 44 percent si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III para sa vice-presidential race. Sumunod sa kanya si Davao City Mayor Sara Duterte na may 25 percent, kapwa nasa pangatlong puwesto sina Senator Francis ‘Kiko’ Pangilinan at Dr. Willie Ong na parehong may 13 percent at panghuli naman si Buhay Partylist Rep. Jose ‘Lito’ Atienza na may three percent.
Nasa dalawang porsiyento ang ‘undecided.’
Isinagawa ito mahigit tatlong linggo bago naman pormal na magsumite ng kanyang kandidatura bilang bise-presidente si Duterte, samantalang si Senador Bong Go na dating vice-president ang tinatakbo ay nagsumite noong Sabado ng hapon ng kandidatura bilang pangulo ng bansa.