NASA 100,000 sasakyan ang walang radio frequency identification (RFID) devices, ayon sa isang opisyal ng Toll Regulatory Board (TRB).
”About 100,000, so malaki pa rin iyong ating walang ano. Kaya humihingi po kami, pinapakiusapan po natin iyong ating mga tollway express users na wala pang RFID, magpakabit na po kayo ng RFID sa lalong madaling panahon,” wika ni TRB executive director Alvin Carullo.
Ayon kay Carullo, ang naturang numero ay 4.8% ng bilang ng mga motorista.
Muling iniurong ng Department of Transportation (DOTr) ang pagpapatupad ng revised guidelines sa toll expressways sa susunod na taon.
“The DOTr has the tools to address congestion on major roads but is taking time for a thorough review to ensure these solutions meet motorists’ needs,” sabi ni DOTr Secretary Jaime Bautista noong Linggo.
Ayon kay Bautista, ang parusa para sa paglabag sa Joint Memorandum Circular No. 2024-001 o ang Revised Guidelines for All Vehicles on Toll Expressways ay maaaring ipatupad simula sa Enero ng susunod na taon.
Ang revised toll guidelines ay nakatakda sanang ipatupad noong Agosto 31 ngunit iniurong sa Oktubre 1.
Ang joint memorandum circular ay nilagdaan ng DOTr, Toll Regulatory Board, at Land Transportation Office upang magpatupad ng cashless toll collection gamit ang Radio Frequency Identification (RFID).
Sinabi ng DOTr na susuriin ang mga impormasyon mula sa public consultation, kabilang ang mga datos sa violators, para sa posibleng amyenda sa circular.