HETO na naman. Nagsabog ng lagim muli ang mga ‘Marites’ sa pagkakalat ng tsismis na may umano’y isang mataas na opisyal ng Malakanyang na hindi raw pinapasok sa birthday party ni PBBM noong gabi ng kanyang kaarawan.
Abogado raw ito. Dagdag pa dito sa mga ‘Marites’ na nagpapakalat ng tsismis ay sisibakin din daw sa puwesto ang nasabing opisyal. Malinaw ‘kuno’ sa naganap na pagtitipon ng mga malalapit na kaibigan ni PBBM noong gabing iyon na wala raw itong nasabing mataas na opisyal ng Malakanyang. Kilala itong nasabing opisyal na palaging nakadikit kay PBBM noong wala pa ang mga nagsusulputan na malapit umano sa ating Pangulo!
Hay, naku. Ito talaga ang mahirap na katotohanan sa loob ng tinatawag na ‘inner circle of power’.
Tinatawag din na ‘snake pit’ sa loob ng Malakanyang. Karamihan ay nalalasing sa kapangyarihan at tumataas ang ere. Sa madaling salita ay may mga iba diyan ang ‘pelingero’. Ito ‘yung kasabihan na “Ang langaw na tumuntong sa kalabaw ay mas mataas pa sa kalabaw” dahil malapit na sila sa Pangulo ng Pilipinas. Tigilan ninyo nga ako!
Huwag na tayo magpaikot-ikot pa. Ang tinutukoy ng mga sinasabi kong ‘Marites” ay si Executive Secretary Vic Rodriguez. Ang mga nagpapakalat ng tsismis na ito ay malamang hindi nagtatrabaho sa Malakanyang at naimbitahan lamang noong gabi ng selebrasyon. Noong tanghali ng kaarawan ni PBBM, makikitang nandoon si ES kasama pa ang ibang mga miyembro ng gabinete na nakisalo sa pagdiriwang ng kaarawan ni PBBM.
Sa mga hindi masyadong nakakakilala kay ES, siya ‘yung tipong hindi mahilig sa mga sosyalan. Pribadong tao si ES. Kadalasan ay mas komportable siya na kapiling ang kanyang pamilya o kasama ang mga piling kaibigan sa mga pagkakataon na hindi siya subsob sa kanyang trabaho.
Karamihan ng mga dumalo noong gabi ng kaarawan ni PBBM ay mga naimbitahan lamang na hindi naman kasali sa gabinete. Kanya-kanyang diskarte, ika nga. Hindi naman obligado na kailangan na magpakita si ES sa mga ganitong okasyon. Palagay ko rin ay hindi kailangan ng imbitasyon ni ES upang dumalo noong gabing iyon.
Malalim ang pinagsamahan nina ES at PBBM noong mga panahon na karamihan sa atin ay iba ang inaatupag at wala sa radar na si BBM ay magiging pangulo ng ating bansa. Atty. Vic at Bongbong Marcos pa lamang ang estado ng dalawa noong mga panahon na iyon. Personal na abogado ni BBM si Atty. Vic sa matagal na panahon.
Hindi kasi asal politiko si ES. Hindi siya ‘yung tao na mahilig makipagbolahan o makipagplastikan sa mga tao na ngayon ay sumisipsip upang mapalapit sa pinto ng Malakanyang. Mahirap masukat ang loyalidad ni ES Vic sa kapakanan ni PBBM. Subok na ito. Kaya ako ay nagtataka kung bakit marami na mag nakapaligid kay PBBM, kasama na ang mga ‘Marites’ ay patuloy ang pagbakbak at pagkalat ng tsismis na masisibak na sa ES sa Malakanyang. Nahaharang ba ang kanilang pansariling adyenda?
Puwes, may ‘Marites’ din ako sa inyo. Antabayanan na lang natin sa mga susunod na araw. Kung akala ninyo ay mawawala sa puwesto si ES sa Malakanyang…nagkakamali kayo. Abangan!