AYUDA IBINALIK SA MANUAL DISTRIBUTION

MULING ibinalik ng lokal na pamahalaan sa manual distribution mula sa paggamit ng GCash ang pamamahagi ng ayuda sa Muntinlupa para sa mga naapektuhan ng enhanced community quarantine (ECQ) sa buong National Capital Region (NCR).

Ayon kay Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi, ang pagbabalik sa pamamahagi ng ayuda sa manual ay para na rin sa mga benepisyaryo na walang kaalaman sa paggamit ng GCash na naunang ginamit naman ng lungsod sa distribusyon ng P1,000 kada indibidwal o P4,000 sa bawat pamilya.

Sinimulan ang distribusyon ng ECQ ayuda noong nakaraang Agosto 11 gamit ang mobile wallet app GCash upang maiwasan ang transmisyon ng COVID-19.

Noong nakaraang Agosto 23 ay nakapamahagi na ang lokal na pamahalaan ng halagang P253,740,000 sa mga benepisyaryo o katumbas ng 57.38 porsiyento ng budget allotment na P442,191,000 na ibinigay ng gobyerno sa lungsod bilang ayuda sa mga residente.

Sinimulan ang manual na pamamahagi ng payout sa lungsod noong Agosto 27 kung saan ipinaskil ng lokal na pamahalaan ang listahan ng mga benepisyaryo ng kanilang opisyal na Facebook account para sa mga benepisyaryong mga walang GCash accounts o ang kanilang mga GCash accounts ay mga hindi beripikado.

Patuloy pa rin namang gagamitin ng lokal na pamahalaan ang GCASH sa distribusyon ng ayuda sa ibang benepisyaryo.

Samantala, sinabi ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na kanyang pinalawig ang distribusyon ng ayuda sa NCR ng hanggang Agosto 31 dahil na rin sa suhestiyon ng metro mayors.

Sa pamamahagi ng ayuda mula Agosto 11 hanggang 24 ay nakatanggap na ang 9.1 milyong low-income individuals sa NCR ng kanilang financial assistance.

Ang lahat ng 16 na lungsod at isang munisipalidad sa Metro Manila ay tumanggap ng budget allotment na P11.25 bilyon sa gobyerno para sa distribusyon ng financial assistance. MARIVIC FERNANDEZ

5 thoughts on “AYUDA IBINALIK SA MANUAL DISTRIBUTION”

Comments are closed.