AYUDA NG DSWD SA PAMILYANG APEKTADO NG KANLAON PATULOY

PATULOY ang pamamahagi ng  family food packs at tuloy tuloy pa rin ang pamamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng financial assistance sa mga residenteng naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Kanlaon.

Sa pangunguna ng DSWD Field Office 7, aabot sa 1,739 pamilyang inilikas ang nakatanggap ng cash aid kamakailan.

Ang bawat pamilya ay nananatili sa evacuation centers sa Camps 1- 4 sa Canlaon City, Negros Oriental.

Tumanggap ang mga ito ng tig-P3,000 ayuda sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program.

Layon ng tulong-pinansyal na ito na maibsan ang pasanin ng mga pamilyang nawalan ng tirahan dahil sa pag-aalburoto ng bulkan.

Patuloy rin nagsisilbing social safety net ang AICS program upang matiyak na ang mga ‘vulnerable’ na mamamayan ay makatanggap ng agarang suporta sa panahon ng krisis.

P ANTOLIN