AYUDA NG GOV’T SA TYPHOON VICTIMS P1.1-B NA

UMABOT na sa P1.1 bilyon ang tulong na ipinagkaloob ng pamahalaan sa mga biktima ng mga nagdaang bagyo, ayon sa Presidential Communications Office (PCO).

Tinukoy ang datos mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sinabi ng PCO na ang mga tulong ay kinabibilangan ng food at non-food items na ipinamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Office of the Civil Defense, local government units, at non-government organizations hanggang Nobyembre 3.

Ayon sa NDRRMC, ang DSWD ay nagpalabas ng 1,013,777 family food packs sa mga rehiyon na naapektuhan nina Severe Tropical Storm Kristine at Super Typhoon Leon.

Samantala, patuloy na kini-clear ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga kalsada, tinatanggalan ng bara ang mga drainage, at nililinis ang mga imburnal.

Samantala, ang Multinational Coordinating Center at ang Civil-Military Coordinating Center ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay nagsagawa ng 58 humanitarian sorties sa pakikipagtulungan ng ASEAN countries sa Bicol Region at Batangas province via land, air, at naval assets.

Nagpalabas ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng patnubay sa local chief executives, regional directors, Philippine National Police at sa Bureau of Fire Protection sa precautionary measures laban sa weather disturbances.

Si ‘Kristine’ ay nanalasa noong Oct. 21-25, na nagdulot ng malawakang pagbaha at pagguho ng lupa, lalo na sa Bicol Region.

Pagkalipas ng ilang araw, hinagupit naman ni ‘Leon’ ang Batanes province at ang iba pang bahagi ng northern Luzon.

Ayon sa NDRRMC, kabuuang 2,200,731 pamilya o 8,630,663 katao ang naapektuhan nina ‘Kristine’ at ‘Leon’.