LUSOT na sa House Committee on Ways and Means ang substitute bill ng House Bills numbers 4878 at 5610 para matulungan sa paglago ang micro-small and medium enterprises.
Layunin ng panukala na patatagin ang microfinance programs at bigyan ng access sa pamumuhunan at pag-unlad ang MSMEs.
Naaprubahan ang panukala sa Ways and Means Committee na pinamumunuan ni Albay Rep. Joey Salceda matapos na amyendahan ang Section 9 ng panukala.
Sa ilalim ng amendment, ang lahat ng grants, financing, donasyon at kontribusyon para sa mga MSMEs sa ilalim ng Puhunan, Tulungan at Kaunlaran (PTK) Act of 2019 ay ililibre sa pagbabayad ng donor’s tax at ikokonsidera rin ito bilang allowable deduction mula sa gross income ng donor salig na rin sa probisyon ng National Internal Revenue Code.
Nakasaad din sa panukala na gawing simple at praktikal ang proseso ng pagkuha ng MSMEs ng micro-financing, grants, at technical support.
Ang mga uutangin ng MSMEs ay tinitiyak na gagamitin para sa pamumuhunan at ang loan interest ay hindi dapat mas mataas sa interest na ipinapataw sa kasalukuyang bank rates.
Bubuo ang Department of Trade and Industry (DTI), sa pakikipagtulungan ng mga kaukulang ahensiya, ng isang komprehensibong programa para sa pag-unlad ng MSMEs sa buong bansa kung saan layunin nitong protektahan ang capital at mga maliliit na negosyante, tulungan ang MSMEs na maging 5-star business sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong at iba pang resources na kakailanganin para sa kanilang development.
Sa oras na maging ganap na batas, aabot sa P125 billion ang ilalaan para sa limang taon na implementasyon ng PTK Five-Star Program at PTK Loan Program. CONDE BATAC
Comments are closed.