SA isang makabuluhang hakbang upang pagtuunan ang mga pangangailangan ng mga kabahayan na kulang sa kita o sahod, ipinahayag ni House Speaker Martin Romualdez na may malaking bahagi ng 2024 National Budget ang inilaan para sa tulong sa mga mahihirap na pamilya.
Kasabay ng paglagda ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pambansang pondo para sa susunod na taon, sinabi ni Romualdez na may malasakit at dedikasyon ang pamahalaan sa pagtugon sa pangangailangan ng mga Pilipino.
Ayon sa House leader, ang halos kalahating trilyong piso na alokasyon, na humahigit sa siyam na porsyento ng kabuuang pambansang budget, ay nilaan para matulungan ang tinatayang 48 milyong Pilipino mula sa 12 milyong mahihirap na pamilya.
“Sa unang pagkakataon, sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ini-allocate natin ang kalahating trilyong piso, o halos siyam na porsyento ng national budget, bilang tulong sa mga mahihirap at sa mga pamilyang may kakulangan sa kita. Umaasa tayo na sa paraang ito, makakatulong tayo sa mga taong desperadong nangangailangan ng tulong ng gobyerno para malampasan ang mga masalimuot na pagkakataon,” pahayag ni Romualdez na isinalin sa wikang Tagalog.
Kung hindi ako nagkakamali, sa ilalim ng programang bagong programa na tinatawag na AKAP o Ayuda sa Kapos ang Kita, ang mga benepisyaryo ay makakatanggap ng one-time cash assistance na nagkakahalaga ng ₱5,000.
Ani Speaker Romualdez, sakaling maging matagumpay ang programa, ito ay magpapatuloy at kasama nang popondohan sa susunod na fiscal year.
Isang ₱60-bilyon pondo ito, na layuning magbigay ng direktang tulong pinansyal sa ‘near poor’ o mga pamilyang kumikita ng hanggang ₱23,000 kada buwan.
“Mahigit sa labing dalawang milyong pamilya ang makikinabang dito, kasama na ang mga manggagawang may mababang kita tulad ng mga nagtatrabaho sa konstruksiyon at pabrika, mga drayber, mga food service crew, at iba pa,” dagdag ni Speaker Romualdez.
Ang AKAP ay dagdag sa mga programa tulad ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development na may ₱23 bilyon, at Tulong Pang-hanapbuhay sa Ating Disadvantage/Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment (DOLE) na may ₱30 bilyon.
Sa pangkalahatan, layon ng pamahalaan na magbigay ng solusyon at tulong sa mga pamilyang nangangailangan, upang mapanatili ang kanilang dignidad at maabot ang mas magandang kinabukasan.
Mabuhay po kayo, mga bossing, at God bless!