AYUDA SA 109 OFWs MULA SA SAUDI

ofw

MAYNILA – HIGIT isandaang overseas Filipino workers ang makapagdiriwang ng Kapaskuhan kasama ang kanilang pamilya kasunod ng kanilang repatriation mula sa Kingdom of Saudi Arabia nitong nakaraang linggo, ayon sa ulat ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Ayon kay Overseas Workers Welfare Administrator Hans Leo Cacdac, ang 109 na napauwing OFWs mula sa Middle East ay makatatanggap ng tulong kabilang ang P20,000 cash assistance mula sa kagawaran para sa kanilang maayos na reintegrasyon sa bansa.

“Utos ito ni Labor Secretary Silvestre Bello III. Umaasa tayo na makatutulong ito upang mairaos ang pang-araw araw na gastusin,” wika ni Cacdac.

Ang mga pinauwing OFW ay lumapag sa bansa noong ­Disyembre 8 mula sa Dammam, KSA.

Kabilang sa kanila ang 88 manggagawa ng Azmeel Company sa Al Khobar na apektado ng lockdown ng work sites at hindi nakatanggap ng tamang suweldo at overtime pay.

Mayroon ring 18 OFWs  mula sa Rakan Trading Contracting Company, at 4 na empleyado ng Samama Company ang nagdesisyon ng umuwi dahil sa mga paglabag sa kontrata ng kanilang Saudi employers.

Dagdag pa ni Cacdac, liban sa pinansiyal na tulong, ang mga repatriated OFW ay maaari ring mag-aplay ng tulong pangkabuhayan kung naisin na lamang nilang manatili sa bansa

“Ang mga napauwing OFW ay mayroon ring oportunidad na mag-aplay ng tulong pangkabuhayan. Isang seminar ang dapat nilang daluhan at kailangan din nilang magsumite ng kanilang business plan. Tuturuan naman namin silang gawin ang mga ito,” ayon pa sa punong opisyal ng OWWA.

Naglaan rin ng airport assistance para sa mga napauwing OFW na kinabibilangan ng pansamantalang tulu­yan para sa mga nag-aantay ng kanilang flight pabalik sa kanilang probinsya, at transportation as-sistance para naman sa mga naninirahan sa area ng Luzon.

Samantala, ang OWWA at ang ­Philippine Overseas Employment Admi­nistration (POEA) ay nakahan-dang magbigay ng legal assistance sa mga OFW na nais mag-file ng reklamo laban sa kanilang mga Arab employer o sa kanilang recruitment agency.

Hinihikayat naman ang mga OFW na magsumite ng kanilang bio data upang mabigyan sila ng OWWA ng employment assistance sa pamamagitan ng ­programang Build Build Build ng admi­nistrasyong Duterte dahil karamihan sa mga Filipinong migran­teng manggagawa ay namamasukan sa sektor ng imprastraktura.

“Panghuli, magbibigay rin tayo ng tulong sa employment facilitation. Pinangu­ngunahan ng ating ­pangulo ang programang Build Build Build. Ang DPWH at iba’t ibang mga kontraktor ay naghahanap ng mga tauhan na nababagay sa inyong mga kasanayan,” sinabi pa ni Cacdac sa mga OFW.PAUL ROLDAN

Comments are closed.