INAPRUBAHAN na ni Pangulong Rodrigo Duterte aang pagtataas sa tulong pinansiyal sa mga backyard raiser na apektado ng African swine fever (ASF) sa P5,000 mula sa P3,000.
Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, napagkasunduan din ng Pangulo at ng kanyang mga kapwa Cabinet member sa pagpupulong noong nakaraang Oktubre 11 ang ilang measures upang makontrol at mapigilan ang pagkalat ng ASF sa mga kalapit na lugar sa Luzon.
Kabilang dito ang pagpapatupad ng ‘lock down’ procedures sa mga lalawigan ng Bulacan at Pampanga, pagkordon sa mga validated area bilang ‘ASF-infected zones’ para sa mas madaling pagkontrol sa pag-aangkat at pagbebenta ng mga baboy at pork product, at paghuli at pagsasampa ng kaso laban sa mga hog raiser at trader na nagbebenta o bumibili at nagkakarga ng mga buhay na baboy, nagkakatay ng ASF-infected pigs, at nagbebenta ng ASF-tainted pork products.
Nauna nang umapela ang DA chief sa mga negosyante na huwag bumili ng ASF-infected hogs, gayundin sa mga backyard raiser na huwag magbenta ng ASF-sick pigs, dahil may karampatan itong parusa.
“We must step up our surveillance and monitoring of transport of live pigs as well as pork products,” wika ni Dar.
Bukod sa naturang measures, mahigpit ding tinututukan ng DA ang implementasyon ng biosecurity at ang 1-7-10 protocol sa ASF- affected areas katuwang ang local government units, militar, pulisya, swine industry groups at iba pang sangay ng pamahalaan para maging epektibo ang pagkontrol at pagsugpo sa kumakalat na sakit.
Kaugnay nito, muling pinaalalahanan ng DA ang mga consumer na bumili lamang ng karne ng baboy na may tatak ng National Meat Inspection Service (NMIS) o sa kilalang meat shops upang makaiwas sa mga kontaminadong karne ng baboy sa panahong ito. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.