AYUDA SA HOG RAISERS NAANTALA

HOG RAISERS

WALA pang natatanggap na tulong pinansiyal ang mga may-ari ng 2,000 baboy na kinatay dahil sa African Swine Fever (ASF) sa Pulilan, Bulacan.

Ayon kay Pulilan Mayor Maria Rosario Ochoa-Montejo, ang mga naapektuhang hog raisers ay hindi pa nakatatanggap ng kabayaran sa kanilang mga alagang baboy na isinailalim sa ‘culling’ mula sa  Barangays Longos, Inaon, Tabon, Balatong A, Balatong B, Tinejero at Dulong Malabon.

Sinabi ni Montejo na sa Pulilan, ang ilang mga pinatay na baboy ay pansamantalang ibinaon sa  Barangay Longos, Tabon at Dulong Malabon habang naghaha­nap pa ang barangay chairman ng tamang paglilibingan sa mga ito.

“Among the livestock owners, wala pang nababayaran,”  ani Montejo.

Kamakailan ay iniha­yag ni Agriculture Secretary William Dar na inaprubahan ni Presidente Rodrigo Duterte ang rekomendasyon na taasan ang tulong pinansiyal sa mga swine raiser na naapektuhan ng ASF, kung saan ang dating P3,000 ay magiging P5,000.

“Basta backyard, buhay at nag-cooperate sa culling operation ng gobyerno at may proper documentations, babayaran sila ng gobyerno,” wika ni Ronnie Domingo, executive director ng Bureau of Animal Industry.

Inamin naman ni Domingo na naantala ang kanilang pagbabayad sa backyard swine raisers dahil ito ang kauna-unahang pagkakataon na magpapalabas ang pamahalaan ng mala­king pondo para sa indemnifications.

Gayunman, ipinangako ng opsiyal na agad na babayaran ang lahat ng apektadong ‘hog raisers’ kapag maayos na at pumasa sa accounting and auditing procedures.

“In a few days, bayad po lahat ‘yang sa backyard farms,” dagdag pa ng BAI official. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.