AYUDA SA MAGSASAKA SUSI SA MATATAG NA TUSTOS NG BIGAS SA BANSA

MAGSASAKA

ISABELA – “Paninindigan ko, sampu ng aking mga kasama ay kasapi ng Rice Millers Association Region-2.”

Ito ang sinabi ni Ernesto Subia, presidente ng rice millers association-Region 2, na walang nagaganap na rice hoarding sa ikalawang rehiyon.

Makaraang ipag-utos umano ni Pangulong Rodrigo Duterte na kailangang ipa-raid ang lahat na mga warehouse na nagtatago ng daan- daang sako ng bigas sa kanilang warehouse.

Ayon kay Subia, handa naman umano sila na ipasuri ang kanilang mga warehouse ng bigas upang mapatunayan na wala silang itinatago sa kanilang bodega.

Sinabi pa ni G. Subia na kanyang iminungkahi noon sa Pangulo na dapat kada buwan na magsagawa ng inspeksiyon ang mga kawani ng National Food Authority (NFA) sa mga bodega ng bigas ng mga rice miller.

Sinabi pa ng pinuno ng rice millers association Region-2 na kung mayroon mang nagaganap na rice hoarding kapag panahon ng kalamidad, maaaring sa ibang rehiyon, ngunit kanyang pinanindigan na walang rice hoarding pangunahin na sa Isabela kundi kailangan lamang ang stock sa bigas para sa lean months o habang hinihintay ang anihan.

Kaya pinag-iisipan ng pamunuan ng rice millers association region-2 na magtungo sila sa tanggapan ng punong lalawigan ng Isabela na pinamamahalaan ni Governor Faustino “Bojie’’ Dy III, upang pag-usapan kung papaano sila makatutulong sa mga magsasaka na mapababa ang halaga ng abono upang muling sumigla ang mga magsasaka sa region 2.

Naniniwala si G. Subia na dapat lamang na bigyan ng tulong at insentibo ng pamahalaan ang mga magsasaka na nagpapakahirap para magkaroon ng sapat na tustos ng bigas sa bansa. IRENE GONZALES

Comments are closed.