AYUDA SA MGA NASALANTA NI ‘ODETTE’ IPINANAWAGAN

HABANG patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga nasawi at halaga ng nasirang mga ari-arian ilang araw matapos ang pananalasa ng bagyong Odette sa Visayas at Mindanao, binisita ni Senador Win Gatchalian ang mga nasalantang lugar kahapon upang personal na magbigay ng tulong at suriin ang kasalukuyang sitwasyon sa mga lugar.

“Sa tindi at lawak ng pinsalang iniwan ng bagyong Odette, kailangang pagtulungan natin ang pagbibigay ng ayuda sa mga apektadong pamilya, maging sa mga lokal na pamahalaan. Makakatulong itong maibsan ang mga alalahanin nila sa kasalukuyan,” sabi ng senador.

Nag-ikot ang Senate Economic Affairs Committee Vice Chairperson sa Southern Leyte, Bohol, at Surigao del Norte hanggang Huwebes upang maghatid ng tulong.

Bitbit ng senador ang P26 milyon na tulong mula sa Valenzuela City, ang bayan ng senador. Personal niyang iaabot ang nasabing tulong sa mga lokal na opisyal ng mga apektadong probinsiya. Kasama ni Gatchalian si Valenzuela Vice Mayor Lorie Natividad-Borja sa pag-iikot.

Sa pamamagitan ng isang resolusyon ng Valenzuela City Council, nabigyan ng pahintulot si Mayor Rex Gatchalian na magpaabot ng nasabing tulong na nagmula sa quick response fund (QRF) ng Local Disaster Risk Reduction and Management Fund (LDRRMF) ng lungsod.

Magbibigay rin ng sako-sakong bigas ang senador sa mga lokal na pamahalaan ng mga nasabing apektadong lugar.

Nakatakdang mag-ikot si Gatchalian sa iba’t ibang evacuation centers para alamin kung paano mapabibilis ng national government ang mga isinasagawang relief at rehabilitation efforts.

Nauna nang hinimok ng Senate Energy Committee Chairperson ang National Electrification Administration (NEA) na agarang gamitin ang Electric Cooperatives Emergency and Resiliency Fund (ECERF) para mabigyan ng financial assistance ang mga electric cooperatives sa pagkukumpuni nila ng mga nasirang linya ng koryente at mga power infrastructure upang matiyak ang pagbabalik ng suplay ng koryente sa mga apektadong lugar pagdating ng Pasko.

“Hindi natatapos sa pagbibigay ng pangmadaliang ayuda ang ating pagtulong sa mga biktima ng nagdaang bagyo. Sisiguraduhin natin na mabibigyan din sila ng pangmatagalang tulong upang maging mas masaya ang kanilang Pasko hindi lang ngayong taon, kundi sa mga darating pa,” ani Gatchalian.
VICKY CERVALES