AYUDA SA MGA NASUNUGAN

BUMISITA si Parañaque City Mayor Eric Olivarez sa Barangay Don Bosco Sports Complex upang personal na malaman ang sitwasyon ng mga residente na nabiktima ng sunog sa Russia Street nitong madaling araw ng Mayo 4.

Agad itong namahagi ng tulong sa 170 pamilya na nawalan ng tirahan dahil sa sunog.

Namahagi rin ng mga blankets, mats, damit, bigas, food packs, at hygiene kits ang General Services Office (GSO) sa pamumuno ni Josephine Mary Centena, City Social Welfare and Development Department (CSWDD) ni Vivian Gabriel, at ni Don Bosco Barangay Chairman Chona Navarro.

Maliban pa sa mga ipinagkaloob na ayuda ay tumanggap din ng financial assistance mula sa lokal na pamahalaan ang lahat ng pamilyang naapektuhan ng sunog.

May karagdagan pang financial assistance ang matatanggap ng mga pamilyang biktima na ipagkakaloob ng lokal na pamahalaan na manggagaling naman sa City Social Amelioration Program ng CSWDD.

Ang tinatawag na kapital na tulong na manggagaling sa GSO ay kinabibilangan ng mga construction materials para sa mga nawalan ng tirahan dahil sa sunog.

Ipagpapatuloy ng lokal na pamahalaan ang pag-agapay at pagbibigay ng kanilang tulong sa mga nasunugang pamilya upang muling makabangon sa naganap na trahedya.
MARIVIC FERNANDEZ