“AYUDA-STYLE” SA PAMASKONG HANDOG

Menchie Abalos

SA kabila ng pandemya, ipagpapatuloy pa rin ng pamahalaang lungsod ng Mandaluyong ang kanilang taunang Pamaskong Handog para sa mga residente na tinawag na “Ayuda ng Pasasalamat.”

Isasagawa ito katulad ng paghahatid ng ayuda para maiwasan ang pagkakaroon ng pila at pagpunta ng maraming tao sa City Hall Complex bilang pagsunod sa health protocols at maiwasan ang biglang pagdami ng kaso ng COVID-19.

Ayon kay Mayor Menchie Abalos, nakahanda na sa City hall ang 200,000 gift packs para dalhin sa bawat barangay upang maihatid ng mga barangay official sa mga bahay-bahay na kanilang nasasakupan.

“Wala na pong pilang mangyayari sa City Hall. At lahat po ng pamil­yang nakatira sa lungsod ay mabibigyan kahit na kayo ay renter, sharer, o nakatira sa condo o subdivision. Maituturing natin itong panghuling ayuda sa taong ito kaya lahat ng pamilyang Mandaleño ay bibigyan natin,” ani Abalos.

Aniya, kung dati ay binibigyan pa ng stub ang mga tatanggap ng Christmas gift pack, ngayon ay sabay-sabay na itong ibabahagi ng bawat barangay para lamang masiguro na masusunod ang minimum public health protocols at maiwasan ang pagkukumpulan ng mga tao.

Mas marami ang makatatanggap ngayon ng Pamaskong Handog kumpara sa 65,000 indibidwal na nabigyan noong nakaraang taon. ELMA MORALES

Comments are closed.