AYUDANG ARTIFICIAL LEGS SA 120 BENEFICIARIES

ARTIFICIAL LEGS

MAYNILA – MAKALALAKAD na ng normal ang nasa 120 mahihirap na benepisyaryong “amputees” matapos mapagkalooban ng libreng  prosthetic limbs o mga paa sa isinagawang simpleng seremonya sa Philippine General Hospital sa Ermita.

Dinaluhan ni Indian President Shri Ram Nath Kovind na ginanap sa Museum of a History of Ideas sa PGH ang nasabing se­remonya.

Sinaksihan din ng Indian President ang pagsusukat ng libreng prosthetic limbs mula sa Mahaveer Philippines Foundation Inc. (MPFI) para sa mga benepisyaryo na gawa ng Jaipur Foot na nagmula sa bansang India.

Ayon kay MPFI Director at Manila City Administrator Felix Espiritu, muling mabubuhay ang dignidad at muling magkakaroon ng kumpiyansa upang makapamuhay ng normal ang mga mabibiyayaan ng artificial leg gayundin ay maaari na muli silang bumalik sa kanilang trabaho at sa kinahuhumalingan nilang sports.

Dagdag pa niya, maaaring magtungo sa  Mahaveer Foundation sa PGH Mahaveer Foundation sa Philippine Orthopedic center at sa Mahaveer Foundation Zamboanga General Hospital ang mga indibidwal na may putol ang paa upang mabigyan  ng  libreng artificial leg.

Itinatag ang naturang samahan noong taon 1989 nina Mr. VR Mehta, Mrs. Vimla Mehta at ni dating Manila Mayor Ramon Bagatsing  bilang non-profit at non-government organization na nakabase sa Maynila at naging instrumento ito sa pagbibigay ng libreng artificial leg sa mga nangangailangan, ayon naman kay MPFI President Enrique Lim

Matatandaan na na­ging panauhin ang  Prime Minister ng India na si Narendra Modi sa 30th Anniversary Camp ng MPFI noong nakaraang taon na ginanap din sa PGH kung saan nagkaloob ito ng US $200,000 para sa libreng artificial leg na ipinamahagi sa mga mahihirap na Filipinong benipisyaryo. PAUL ROLDAN