AYUDANG PANGKABUHAYAN SA MGA DRAYBER HINILING NA PABILISIN

patnubay ng driver

GOOD day, mga kapasada! Mahalaga po ang paksang ating tatalakayin na may kinalaman sa ayudang pangkabuhayan sa inyong hanay na isinulong ng isang senador kamakailan. ​Inihayag ni Sen. Nancy Binay ang kanyang labis na pagkasiphayo sa kakapusan ng pagsisikap ng pamahalaan na pabilisin ang implementasyon ng Service Contracting Program para sa mga public utility vehicle driver.

​Sinabi ni Binay na tinanggalan na ng pasada ang mga kawawang drayber na kumakayod kahit papaano sa araw-araw para sa kapakanang panghapag kainan ng mag-anak na biktima ng pandemya, pinagkaitan pa ang mga ito ng ayuda. ​Ayon kay  Binay, mahigit isang taon nang pinagkakaitan ng ayuda ang mga kapatid nating namamasada. ​“The DOTr at ang LTFRB ay medyo invisible and have the single-biggest job stranglers since the start ng pandemya. Sana ay bigyan naman sila kahit kaunting dignidad,” ani Binay.

​Samantala, ipinahayag naman ng Commission on Audit (COA) ang paggamit umano ng LTFRB ng isang porsiyento lamang o P59 million sa P5.56 billion na pondong alokasyon para sa benefit program para sa mga drayber sa ilalim ng service contracting ng ahensiya. ​Diumano, mahigit lamang sa 29,000 drivers o 49.79 percent lamang ng 60,000 targeted driver participants ang nakarehistro sa programa hanggang nitong taong 2020. ​Mahigit na aniyang isang taon ang lumipas ngunit  ang pamamahagi ng lubhang kailangang ayuda ay hindi pa nabibigyan ng mabilis na pagbabago. ​Nakadidismaya, aniya, ang katotohanan na hanggang ngayon ay hindi pa rin prayoridad ng pamahalaan ang ating mga jeepney at bus driver.

Wala na nga silang hanapbuhay sa kalsada, pinahihirapan pa sila sa proseso ng pagkuha ng ayuda, hinanakit pa ni Senator Binay. ​Nanawagan pa si Binay sa pamahalaan na gawing mas madali para sa mga drayber ang proseso ng pagkuha ng ayuda.

​Sa naturang ayuda ay kasamang benepisyaryo ang pamilya ng mga driver ng public utility vehicles tulad ng jeepneys, UV Express (UVE), public utility buses  (PUB), Point to Point (P2P), taxis, Transport Network Vehicle Services (TNVS), school transport, at motorcycle taxis.

​Aniya, kung mayroon lamang damdamin ang DOTr at ang LTFRB sa dinaranas na kagipitan ng pamilya ng mga drayber, hindi nila matitis na makita ang mga jeepney driver na namamalimos sa mga lansangan upang maitawid ang pagkain ng kanilang mga pamilya.

10 TAONG VALIDITY NG DRIVER’S LICENSE PINAGHAHANDAAN NG LTO

​Ibayong paghahanda ang ginagawa ngayon ng Land Transportation Office (LTO) bilang antisipasyon sakaling matuloy ang panukalang pagpapatupad ng 10 taong bisa (validity) ng driver’s license. ​Sa pahayag ng LTO, sakaling matapos ang mga isinasagawang konsultasyon ng mga tauhan ng LTO sa buong bansa, puntriyang ipatupad ang programa bago matapos ang taong 2021.

​Sa isinagawang konsultasyon sa pamamagitan ng video conferencing ng LTO National Capital Region-west, sinabi ni Bogs Luarca, chief ng LTO-Las Pinas Licensing Office, na lahat ng mga suhestiyon na pinag-usapan kasama ang mga transport group leaders, mga medidcal expert at iba pang sektor ng lipunan ay ibibigay sa LTO Central Office para mas ibayong mataya at mabigyan ng malalim na pag-aaral para maging katanggap-tanggap sa lahat ng sektor, lalo na sa mga mamamayan sakaling ito ay ipatupad. ​Isa sa mga pangunahing kabahalaan na ipinaabot  ng mga medical expert na kasama sa konsultasyon ay ang kondisyong medikal ng bawat indibidwal kung angkop ba ang pagbibigay ng 10 taong validity ng driver’s license.

​Ayon pa sa mga ekspertong pangkalusugan, dapat ding maging malinaw ang mga panuntunan  tulad ng sa nasa hanayng mga Senior Citizen (SC) at  Person with Disability (PWD) kung ang mga ito ba ay angkop sa programa ng pagkakaloob ng 10 taong bisa ng driver’s license. ​Sa panig naman ni LTO-NCR-West Assistant Regional Director Roque Versoza III, tiniyak niya na masusing pagtutuunan ng pansin ng liderato ng ahensiya ng LTO ang programa upang makatiyak na maayos na maipatutupad ang programa sa oras  na matuloy ito bago matapos ang 2021, ayon na rin sa kautusan ng Pangulong Rodrigo Duterte.

SA PANAHON NG TAG-ULAN LIGTAS NA PAGBIYAHE LUBHANG KAILANGAN

​Tag-ulan na naman.  Hindi maiiwasan ang kaliwa’t kanang problema sa lansangan na ang end result ay ang hindi mabilang na nadidisgrasya o napapahamak habang bumibiyahe o nagmamaneho lalo na sa napakadulas na lansangan. ​May tatlong dahilan, ayon sa mga eksperto, sa pagmamaneho nang peligroso sa lansangan kung umuulan tulad ng pagiging madulas ng daan,  walang pakialam na motoristang akala mo ay sila ang nagmamay-ari ng kalye, at  kapabayaan na puwede namang maiwasan pero hindi ginagawa.

I-CHECK ANG GULONG AT LINISIN ANG WINDSHIELD

​Ayon sa kasangguning si Jess Viloria, bago umalis ng bahay, unang-unang kailangang i-check ang gulong.  Tiyaking hindi ito flat at wala ring butas. Kung minsan, lalo na kung nagmamadali tayo, hindi natin napapansing malambot pala ang gulong ng ating sasakyan.  Mahahalata o mararamdaman lang natin ito kapag bumiyahe na tayo. ​Malaking problema kapag na-flat ang gulong natin sa gitna ng kalye o kalsada. Masasayang ang oras mo sa paghihintay ng sasaklolo sa iyo. Paano pa kung nangyari ito sa lugar kung saan malayo sa vulcanizing shop o kaya naman sa gasoline station?  Papaano ka na lang? ​Kaya huwag kaliligtaan ang pag-check ng gulong.  Matapos na ma-check ang gulong, linisin naman ang windshield.  Minsan kasi ay hindi natin napapansin na marumi pala ang windshield.

TIYAKING NASA KONDISYON ANG SASAKYAN BAGO BUMIYAHE

​Payo pa ni kasangguning Jess Viloria, huwag ding kaliligtaang i-check ang kabuuan ng sasakyan.  Bukod sa gulong at windshield, importante ring natitingnan mo o nasisigurong walang tulo o leak ang iyong sasakyan. Ilan sa mga kailangang siguraduhing hindi tumutulo ang bintana, pintuan, hood, trunks at maging ang tail light. Linisin din ang mga nabanggit nang masigurong walang duming naiwan doon. ​Huwag ding kaliligtaan ang baterya.  Tumatagal ang baterya ng mahigit sa limang taon. Pero napapadali ang buhay nito lalo na sa mga lugar na madalas ang pag-ulan.  Ang basa at malamig na panahon ang nagiging dahilan kung kaya mabilis na nasisira ang baterya.  Nagiging sanhi rin ng terminal corrosion ang humidity.  Kaya siguraduhing maayos ang baterya bago umalis o bumihaye nang hindi mamatayan ng makina sa kalye.

LAGING MAGDADALA NG EMERGENCY KIT SA PAGBIYAHE

​Dagdag na payo ni Jess, napakahalaga rin ang pagdadala ng emergency kit saan ka man magpuntakahit na anong uri ng panahon at pagkakataon. ​Kapag sinabing emergency kit, kasama rito ang phone charger, raincoat at payong, bota, flashlight at baterya, gamot sa ubo at sipon, band aid, tubig at marami pang iba.  Huag na huwag kaliligtaan ang emergency kit, lalong-lalo na kung bibiyahe sa ganitong uri ng panahon —  tag-ulan.

​LAGING TATANDAAN: UMIWAS SA AKSIDENTE UPANG BUHAY AY BUMUTI. ​HAPPY MOTORING!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *