AYUSIN ANG SIYUDAD, AT UNAHIN ANG MAHIHIRAP NA KOMUNIDAD

SA  pinakahuling pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa dahil sa Omicron variant, ang National Capital Region (NCR) ang nagtala ng pinakamaraming kaso. Pinagtitibay lamang nito ang isang bagay na alam na natin noong nagsisimula pa lamang ang pandemya—mas malaki o matindi ang pinsala ng virus sa mga siyudad.

Ayon sa isang pag-aaral, nasa 90% ng COVID-19 infection sa buong mundo ay matatagpuan sa mga siyudad, at may konsentrasyon ito sa mga mahihirap na komunidad.

Iniuugnay ito ng mga eksperto sa mataas na populasyon sa mga lugar na ito, masikip na mga tahanan at espasyo, at hindi maayos na sirkulasyon ng hangin. Maswerte yaong may kakayahang lumipat sa labas ng siyudad o bumili ng pangalawa (o pangatlong) tahanan sa kanayunan. Ngunit para sa maraming Pilipino, kailangang manatili sa siyudad upang maghanapbuhay. Dito pumapasok ang mahalagang papel ng lokal at pambansang pamahalaan at ng pribadong sektor—kung paano magtutulong-tulong ang lahat upang lumikha ng mga siyudad na may kakayahang magtaguyod ng kalusugan ng mga residente nito.

Ayon sa isang pananaliksik na ginawa sa Toronto, may mga bagay na kailangang bigyang pansin ang mga lider ng iba’t-ibang siyudad habang kanilang binabago o inaayos ang kanilang nasasakupan. Dahil limitado ang ating tugon dito sa Pilipinas, maaaring i-akma ang mga aksyon ayon sa pangangailangan ng mga Pinoy. Ang malinaw sa pag-aaral ay ito: unahin ang pangangailangan ng mga mahihirap na komunidad, lutasin ang problema sa populasyon at pagsisiksikan, magtayo ng mas maraming green spaces, at gawing “walkable” ang mga siyudad.

Ano ang ibig sabihin ng “walkable”? Ito ay ang kakayahan ng mga taong nakatira sa isang lugar upang lakarin lamang ang pupuntahan (o mag-bike)—city hall, bangko, palengke, paaralan, simbahan, opisina, ospital, at iba pa. Ibig sabihin, ang mga kalsada ay dapat na maayos at ligtas upang maaaring maglakad ang karamihan at nang makaiwas sa pagsisiksikan sa mga public utility vehicles na katulad ng bus, jeep, traysikel, tren, at iba pa. Maiiwasan na ang pagkalat ng mga sakit, makakatulong pa ito sa kalusugan ng tao dahil sa dagdag na ehersisyo.
(Itutuloy…)