BINOKYA ng defending champion Thailand ang Philippine national men’s football team, 4-0, sa group stage ng 2022 AFF Mitsubishi Electric Cup noong Lunes sa Thammasat Stadium, Thailand.
Umiskor si Teerasil Dangda ng goal sa unang tatlong minuto ng laro at pinalobo ang kalamangan sa 41st minute upang bigyan ang Thais ng 2-0 lead sa half.
Umiskor si Adisak Kraisorn sa 57th minute bago umiskor si Suphanan Bureerat pagkalipas ng ilang minuto upang ipalasap ng Thais sa Azkals ang ikalawang kabiguan nito sa torneo.
Sa panalo, ang Thais ay nangunguna sa Group A na may 6 points, habang ang Indonesia, na naunang tinalo ang Brunei, 7-0, ay may 6 points din. Ang Thailand ay may goal difference na +9 habang ang Indonesia ay may +8.
Samantala, nalagay sa balag ng alanganin ang semifinal hopes ng Azkals dahil ang top two teams lamang sa grupo ang uusad sa semis.
Tatapusin ng Azkals ang group stage games sa home sa pagsagupa sa Indonesia sa January 2, 2023, 8:30 pm, sa Rizal Memorial Stadium.