AZKALS NASA PANGANGALAGA NG CHOOKS-TO-GO

on the spot- pilipino mirror

NAKASAMPA muli sa bagwis ng Chooks-to-Go Pilipinas ang programa ng Philippine Azkals.

Ipinahayag kamakailan ni Chooks-to-Go president Ronald Mascariñas na itataguyod ng kompanya ang kampanya ng Azkals sa 2022 FIFA World Cup at  2023 AFC Asian Cup Qualifiers na nakatakda sa Hunyo 3-15 sa Suzhou Olympic Sports Centre sa China.

Masaya si  Mascariñas sa muling pakikipagtambalan ng National football squad na sinuportahan din ng Chooks-to-Go sa kampanya nito noong 2016-18 seasons.

Sa pagtatambalan nina Mascariñas at Azkals team manager Dan Palami, nagawa ring suportahan ng Chooks-to-Go ang University of the Philippines Men’s Basketball Team sa 2016 Season ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP).

“Chooks-to-Go has been a staunch supporter of the Azkals since 2016. I’ve also experienced first-hand how generous of a sponsor Sir Ronald is. When the UP Men’s Basketball team was backed by the countries number one rotisserie, he took very good care of the team,” pahayag ni Palami.

“We are hoping that me and Sir Ronald rekindle the magic we had a few years ago as it always leads to something positive. It’s really an honor to have them back. Mayroon talagang puso para sa ‘Pinas ang Chooks-to-Go. We are proud to be a Manok ng Bayan,” aniya.

Iginiit naman ni Mascariñas na mataas ang kanyang kumpiyansa na malalagpasan ng  Azkals ang mabigat na hamon para masungkit ang minimithing slots sa prestihiyosong torneo.

“We have heard about the challenges that have been stacked in front of the Azkals. But knowing the Philippine Football Federation, Dan, and Scott (Cooper), they know how to handle these things,” pahayag ni Mascariñas. “We want the Azkals to fully focus on the task at hand.”

Kasalukuyang nasa ikatlong puwesto ang Philippine Azkals sa Group A ng joint Qualifiers tangan ang kabuuang pitong puntos. Nangunguna ang Syria na may 15 puntos,  kasunod ang China na mayroon ding pitong puntos. Nasa ika-apat ang Maldives  kabuntot  ang Guam.

Puspusan ang pagsasanay ng Azkals sa training camp sa Doha at nakatakda silang tumulak patungong China ngayong araw.

Nakatakdang harapin ng Philippines ang Guam sa Hunyo 3, kasunod ang China sa Hunyo 9 at Maldives sa Hunyo 15.

Ang mangungunang dalawang koponan sa pool ay makauusad sa third round ng World Cup Qualifiers at Asian Cup proper, habang ang ikatlo at ika-apat na koponan ay sasabak sa Asian Cup qualifying third round at ang huling koponan ay bababa sa Asian Cup qualifying play-off round.

25 thoughts on “AZKALS NASA PANGANGALAGA NG CHOOKS-TO-GO”

Comments are closed.