PITONG araw bago ang pagbaba ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. ay binalot ng matinding kontrobersiya ang organisasyon kaugnay sa pagkakasangkot ng mga opisyal nito na umano’y sangkot sa cover-up sa pagkupit ng 42 kilos ng shabu mula sa 990 kilos o nagkakahalaga ng P6.7 bilyon na nakumpiska noong Oktubre 8, 2022 sa Maynila.
Sa regular press conference sa Camp Crame kahapon, duda si Azurin sa timing kung bakit inilabas ang pag-pinpoint sa mga umano’y sangkot ang nasabing isyu.
Ngayong malapit nang mamili si Pangulong Bongbong Marcos ng kanyang kapalit bilang pinuno ng PNP.
Inamin ni Azurin na bagaman tiwala siya sa desisyon at judgement ni PBBM, pinalalahanan at pinayuhan niyang maging maingat dahil kritikal ang itatalagang magiging lider ng PNP.
Nais din ni Azurin na interbyuhin ni PBBM ang mga kandidato para maging PNP chief.
“I want to forewarn the President because it’s very critical for him to choose a Chief PNP na papalit sa akin na later on baka ibuyangyang ‘yung mga litrato na ganun so sabi ko nga the President should have the discernment in choosing my successor kasi very critical ito,” ayon kay Azurin.
Nanawagan din ito sa publiko at sa mga nagnanais sirain nag pamahalaan na huwag ikompromiso ang Pangulong Marcos sa pamamagitan ng pagwasak sa mga hakbang ng PNP gaya ng imbestigasyon ng Special Investigation Task Group 990 sa pamumuno ni Directorate for Investigation and Detective Management, Maj Gen. Eliseo Cruz.
“Let us not compromise the President. He is the only person we’ve got para iangat ang ekonomiya ng bansa natin na ito. Huwag natin walanghiyain ang Presidente natin,” diin ni Azurin sa mga hindi nakikitang kalaban ng pamahalaan gaya ng mga sindikato ng droga.
ITINANGGING SANGKOT SA ‘COVER UP’
Nagpaliwanag na rin kay PBBM si Azurin sa isyu ng ‘shabu cover-up’ sa P6.7 bilyong shabu.
Itinanggi nito sa Pangulo na sangkot siya sa anumang tangkang pagtakpan ang iligal na droga na nasamsam sa Maynila noong Oktubre 2022.
Idiniin ni na walang nangyaring cover-up at wala ring plano na itago si Master Sergeant Rodolfo Mayo, Jr. na naaresto sa nasabing operasyon na siyang “anay” na sumisira sa kanilang organisasyon dahil sa pagkakasangkot sa iligal na droga.
“We are not covering up for Mayo and who is Mayo to me na kailangan ko siya pagtakpan? Eh siya nga ‘yung salot eh, siya nga ‘yung isa sa mga anay na sumisira sa PNP,” ani Azurin.
MORALE NG PNP ITINATAAS
Upang hindi naman bumaba ang morale ng mahigit 228,000 PNP personnel, inatasan ni Azurin si PNP Public Information Office chief Col. Red Maranan na gumawa ng statement.
“These are opportunities ‘yun lahat ng putik na binabato sa amin these are opportunities na nagsasabi na kailangan panatin i-improve ang performance ng PNP. We need to keep aspiring to be a perfect a organization. So ang sentiment ng kapulisan, bagamat low morale sila, last week I have been issuing statements. Sabi ko kay Red (Col Maranan) you issue a statement. They should not be distracted. They continue to work because nasa moral ground ako rito. I might lose but definitely ako ang nasa moral ground rito,” ayon sa PNP chief. EUNICE CELARIO