AZURIN DUDA SA PAGKAMATAY NG MIDDLEMAN SA BILIBID

DUDA si PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. sa biglaang pagkamatay sa loob ng bilibid ng middleman na umano’y nag-utos sa confessed gunman na si Joel Escorial na ipapatay ang beteranong brodkaster na si Percy Lapid.

Sa pulong balitaan sa camp Crame, sinabi ng PNP Chief na masyadong “coincidental” ang pagkamatay ni Crisanto Palana Villamor matapos na magkaroon ng initial contact ang PNP sa Bureau of Corrections (Bucor) para ipahanap ang “middleman” na itinuro ni Escorial.

Ayon sa PNP Chief, nang unang kontakin ng PNP ang Bucor, nag-deny kaagad sila na may ganoong indibiduwal sa loob ng New Bilibid Prison.

Aniya, maaring dahil iba ang unang pangalan sa birth certificate na nakuha ng PNP mula sa magulang ng “middleman” sa pangalang nakalista sa BUCOR.

Pero dapat, ani Azurin ay inihiwalay na ng Bucor ang lahat ng presong may pangalang Villamor kung may “sense of urgency” sila na makipag-cooperate sa imbestigasyon ng PNP.

Sinabi pa ng PNP Chief, kung hapon namatay si Villamor dahil sa sinasabing bangungot, malabo itong makatulog ng ganoong oras sa loob ng piitan dahil sa masikip na kondisyon doon.

Dahil dito, sinabi ni Azurin na hindi isinasantabi ng PNP ang possiblidad ng “foul play” sa pagkamatay ni Villamor.

Samantala, maging si dating Senador Franklin Drilon ay diskumpiyado sa tinatakbon ng kaso lalo na’t itinuring na solved ito.

Rekomendasyon ni Drilon na dapat i-validate muna ang mga pahayag ni Escorial at hindi nagmamadali na isara ang kaso.

Dapat din, ayon kay Drilon na hindi dapat matapos sa confession ni Escorial ang Lapid slay case kundi tuntunin ang utak, motibo at mga kasabwat.

Pinalalaliman pa ng dating senador sa PNP ang kanilang imbestigasyon. EUNICE CELARIO

AUTOPSY REPORT NG NBI KINUWESTIYON
KINUWESTIYON ng forensic pathologist na si Dr. Raquel Fortun ang autopsy report ng National Bureau of Investigation (NBI) sa labi ni Villamor dahil sa kawalan ng malinaw na timeline kung kailan isinagawa ang awtopsiya at ang agarang pag-embalsamo sa bangkay.

Ani Fortun ang inilabas na finding ng NBI ay isa lamang umanong general statement na nagsasabing na walang nakitang physical injuries sa katawan ng bangkay.

“They must have searched for the obvious, okay, do you have bullet holes in the body? So they’re saying there’s none. No sharp force trauma, no blunt force, the obvious ones. But can you safely rule out, for instance, what’s more subtle, like asphyxia?” ani Fortun .

Paliwanag pa ni Fortun, sinasabing sa kawalan ng hangin ay kailangang suriin kung nagkaroon ng petechial hemorrhages. Ito umano ay mga pinpoint hemorrhages sa mukha, sa itaas na bahagi ng leeg, kung saan maaaring nagkaroon ng compression, mas mainam kung sinuri umano ang under the lids, eyelids, at ibabaw ng mata.

Hindi rin umano malinaw kung sinuri ang internal organs ni Villamor “I did not see for instance the heart findings detailed, and maybe if the heart is still there, I could examine it. You know, if you have a sudden death and what I know of this case is it was difficulty of breathing, if that’s correct?”

“Sudden death, you focus on the brain, you focus on the heart. Although you check everything else,” ayon pa sa forensic expert.

Gayundin, aniya ang agarang pag-eembalsamo dahil maapektuhan umano nito ang isasagawang pagsusuri sa bangkay at sa samples na kukunin mula sa bangkay na kontaminado na ng kemikal ang mga kukuning dugo at ihi .

Samantala nabatid na pinag aaralan ng pamilya Mabasa na sampahan ng kasong administratibo at kriminal si Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag kaugnay sa kaso ng middlemen na kumontak ng killer para patahimikin si Lapid.

Ayon kay Atty. Bertini Causing, tagapagsalita ng pamilya Mabasa, magbabase sila sa pahayag ni Escorial.

Dahil umano sa kapabayaan ni Bantag ay hindi makakapasok ang cellphone sa loob ng bilibid at walang magagawang transaksyon para mapatay si Mabasa.

Ito ang magiging dahilan ng administrative case laban kay Bantag liban pa sa posibilidad na criminal case na reckless imprudence resulting to murder.

Kaugnay nito, sinabi Southern Police District (SPD) director Brig. Gen. Kirby John Brion Kraft na maaari pa ring magsagawa ng awtopsiya sa labi ng namatay sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP) na itinuturong middleman na si Villamor.

Sinabi ni Kraft na bagaman idineklara na ng Philippine National Police (PNP) na sarado na ang kaso dahil sa pagkakaaresto sa sumukong self-confessed gunman na si Escorial gayundin ang pagkakakilanlan ng tatlo pang suspek na kinabibilangan ng magkapatid na sina Edmon at Israel

Dimaculangan at isang nagngangalang Orly o Orlando.

Si Escorial at ang tatlong suspects na kasalukuyang nakalalaya pa rin ay sinampahan na ng kasong murder sa Department of Justice (DOJ). VERLIN RUIZ/ MARIVIC FERNANDEZ