NILINAW ni Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Rodolfo Azurin Jr. ang dahilan kung bakit kanyang binalasa ang dalawang pinakamataas na puwesto o command group sa organisasyon.
Ang tinutukoy ay ang paglipat ng puwesto nina dating PNP Deputy Chief for Administration Lt. Gen. Rhodel Sermonia at dating PNP Officer in Charge at Deputy Chief for Operations, Lt. Gen. Vicente Danao Jr. ; pawang number 2 at number 3 sa PNP command.
Sa regular Monday press conference sa Camp Crame, sinabi ni Azurin na hindi ito ang unang pagkakataon na nalipat ang mga miyembro ng Command group at nangyari na ito noong panahon ni dating PNP Chief Gen. Panfilo Lacson at Gen. Ronald Bato Dela Rosa
Ayon kay Azurin minarapat niyang bigyan ng sariling area command ang dating pangalawa at pangatlong pinakamataas na opisyal ng PNP dahil doon kailangan ang kanilang kasanayan.
Aniya, si Sermonia ay magaling na “organizer” at kailangan siya sa Area Police Command Visayas para sa pag-organisa ng mga komunidad laban sa New People’s Army.
Habang si Danao ay malaki ang maitutulong sa pagsulong ng Bangsamoro Peace Process bilang Commander ng Area Police Command Western Mindanao.
Dagdag pa ni Azurin, may polisiya na “flexibility” na ipinatutupad ang PNP, at ang mga bagong assignment ng dalawang opisyal ay magandang pagkakataon para lalo silang sumikat.
EUNICE CELARIO