MAGANDANG balita sa mga Persons with Disabilities (PWDs) sa Taguig!
Inaprubahan na ng pamahalaang lungsod ng Taguig ang benepisyong cash gift sa Persons with Disabilities (PWDs) sa araw ng kanilang kaarawan, at isa na rito si Annaliza Adrineda, isang 39-anyos na solo parent, na nakatanggap ng birthday cash gift mula sa Taguig Persons with Disability Affairs Office (PDAO) noong Abril.
“Masaya po dahil malaking tulong po itong birthday cash gift ng Taguig para sa mga katulad kong PWD,” wika ni Annaliza, na may kapansanan sa dalawa niyang binti at gumagamit lang ng tungkod para makalakad.
Si Adrineda ay mag-isang nagpapalaki sa kanyang anak na babae sa pamamagitan ng pagtitinda ng saging sa tabi ng kanyang bahay upang mayroon silang panggastos sa araw-araw.
Malugod niyang pinasasalamatan si Taguig City Mayor Lani Cayetano matapos niyang matanggap ang cash gift.
Bukod pa kay Annaliza, mahigit 7,000 na iba pang Persons with Disabilities (PWDs) sa Taguig ang nakatakdang tumanggap ng birthday cash gift ngayong taon matapos aprubahan ng lokal na konseho ng Taguig ang ordinansa na nagtakdang magbigay ng birthday cash gift na P1,000 rehistradong PWDs sa kanilang kaarawan.
Sa ilalim ng Ordinance No. 29, Series of 2017, ang Taguig City ang magbibigay ng naturang halaga sa registered PWDs.
Ang ordinansang ito, ayon kay PDAO officer-in-charge Mr. Helario Supaz, ay bunsod ng mabuting layunin ng konseho at ni Mayor Lani na mabigyan ng financial assistance ang mga Taguigeño partikular na ang mga may kapansanan.
“Masaya tayo para sa ating PWD community dahil patunay ang ordinansang ito na seryoso ang lokal na pamahalaan na i-angat ang kanilang antas sa buhay,” wika pa ni Supaz.
Nagsagawa na rin ang Taguig City ng kauna-unahang birthday cash gift distribution sa mahigit na 669 PWD beneficiaries na ginanap sa Lakeshore Hall noong April. Sa second quarter ngayong taon, mahigit 1,400 beneficiaries ang nakakuha na ng kanilang cash gift sa ginawang distribution nito lamang July 19-21, 2018.
Upang ma-claim ang birthday cash gift, ang mga beneficiary ay dapat na magpakita ng kanilang PWD identification card na inisyu ng Taguig PDAO.
Ang mga representative naman na naatasang mag-claim ng financial assistance ay dapat na magpakita ng authorization letter, photocopies ng PWD card ng benepisyaryo at valid ID ng taong kukuha.
Ang Taguig City, sa ilalim ng administrasyon ni Mayor Lani, ay patuloy na i-aangat ang kalagayan ng ng mga miyembro ng PWD community sa pamamagitan ng pagbibigay nga programa kasama na ang mga financial allowances sa PWD personnel sa bawat barangay at magbigay ng trabaho para sa kanila upang masiguro ang kanilang maayos na pamumuhay.
Noong 2015, ang lungsod ay nag-hire ng 14 deaf-mute upang maging data encoders na mag-iinput ng mga data na kinalap ng mga field survey personnel para sa Taguig City Integrated Survey System (TCISS). Ang TCISS ay may layunin na magbigay ng impormasyon mula sa aktuwal na mga kaba-bayan upang masukat ng lungsod ang maayos na pagbibigay ng programa at proyekto na tunay na kinakailangan ng mamamayan sa Taguig. Sa ngayon, ang lungsod ay mayroong 22 deaf and mute survey encoders.
Bukod pa rito, ang mga PWD ay patuloy na binibigyan ng priority lanes sa lahat ng opisina at serbisyo sa Taguig. Ang PWDs ay binibigyan din ng scholarship grants sa ilalim ng Priority Courses and Skills Training ng Lifeline Assistance for Neighbors In-Need scholarship program.
Nagpapatayo rin ang Taguig ng Disability Resource and Development Center – isang 5-storey building na matatagpuan sa Ipil-ipil Street, Purok 7, Barangay North Signal – na magbibigay ng iba’t ibang serbisyo sa PWDs sa Taguig, kasama na rito ang livelihood trainings, transition programs, tutorial services, at showroom na maglalathala at magbibida ng kanilang handicraft products gawa ng Taguigeño PWDs.
Ang PDAO ay nakatakda ring magpatupad ng Community-Based Inclusive Development Program na tutulong sa pitong barangay sa Taguig. Ang programang ito ay magtatalaga ng occupational, physical at speech therapists na handang tumulong sa kapuwa Taguigeños na nangangailangan.
Ayon pa kay Supaz, ang mga proyektong ito ay malaking hakbang sa plano ni Mayor Lani na ihanda ang mga PWD sa lungsod na magkatrabaho at i-develop ang kanilang mga kakayahan at tiwala sa sarili.
“We want the City of Taguig to be a place where everyone can dream big and think big so rest assured that we will continue creating programs that will help you in achieving your dreams and aspirations,” saad pa ni Mayor Lani. PILIPINO MIRROR Reportorial Team
Comments are closed.