B. LEAGUE: KIEFER, SHIGA  ‘OLAT’  NA NAMAN SA CHIBA

MATIKAS na nakihamok si Kiefer Ravena at ang Shiga Lakestars subalit sa huli ay muling yumuko sa Chiba Jets, 89-83, sa Japan Professional Basketball League (B.League) sa  Funabashi Arena nitong Linggo.

Nagtala si Kiefer ng impresibong double-double performance na 27 points at 10 assists sa pagkatalo, ang ikalawang sunod nila sa Chiba.

Makakaharap ng Shiga, nahulog sa 6-5 kartada, ang Shimane Susanoo Magic sa Miyerkoles.

Samantala, tumipa ang kapatid ni Kiefer na si Thirdy ng 13 points at kumalawit ng 5 rebounds sa pagkatalo ng San-en NeoPhoenix sa SR Shibuya, 91-80.

Makakasagupa ng San-en (3-8) ang Shinshu Brave Warriors ni Matthew Aquino sa Miyerkoles.

Sa iba pang laro, pinadapa ng Ibaraki Robots ang Osaka Evessa, 81-72. Hindi naglaro ang Asian import ng Ibaraki na si Filipino Javi Gomez de Liaño.

Nabigo naman ang Shinshu sa Akita Northern Happinets, 79-75. Hindi rin naglaro si Aquino.