B.LEAGUE: WRIGHT, KAWASAKI PINUTOL ANG LOSING STREAK

TINAPOS ng Kawasaki Brave Thunders ang 10-game losing streak kasunod ng 82-74 pagbasura sa Ibaraki Robots sa Kawasaki Todoroki Arena noong Sabado.

Kumana si Matthew Wright ng 16 points at 6 assists upang tulungan ang Brave Thunders na kunin ang kanilang unang panalo sa 2024-25 B.League season magmula noong November 10, nang pataubin nila ang Kyoto, 91-82.

Dikit ang laban bago isinalpak ni Reiya Nozaki ang isang three-pointer, may 6:31 sa orasan, na nagbigay sa Kawasaki ng 68-65 kalamangan. Ang kanilang bentahe ay lumobo sa double-digits, 75-65, mula sa triple ni Koya Kobari, wala nang tatlong minuto ang nalalabi.

Ang Kawasaki ay umangat sa 5-20 sa torneo.

Nagwagi rin ang Nagasaki Velca laban sa Sendai 89ers, 79-66, sa Kamei Arena Sendai.

Naglaro si Gilas Pilipinas center AJ Edu sa loob ng 13 minuto sa panalo, at nagtala ng 4 points, 1 assist, 1 rebound, at 2 blocks.

Umangat ang Nagasaki sa 13-12.

Sinawing-palad naman ang ibang Pinoy sa Japan.

Nalasap ni Kiefer Ravena at ng Yokohama B-Corsairs ang 84-80 loss laban sa San-En NeoPhoenix, sa kabila ng 15-point, 4-assist effort mula sa dating Ateneo superstar.

Nahulog ang Yokohama sa 9-16.

Samantala, nalimitahan si Dwight Ramos sa apat na puntos sa 86-69 pagkatalo ng Levanga Hokkaido sa Seahorses Mikawa. Ang Gilas Pilipinas standout ay may 5 assists sa 18-minute stint, at bumagsak ang Hokkaido sa 9-16.

Ipinalasap naman ng Akita Northern Happinets kay Ray Parks Jr. at sa Osaka Evessa ang 85-73 defeat, kung saan nalimitahan ang dating Gilas guard sa 10 points sa 3-of-10 shooting mula sa field.

Ito ang ikalawang sunod na kabiguan ng Osaka upang mahulog sa 13-12 sa season.