GUMAWA si Kiefer Ravena ng ilang malalaking plays sa stretch nang gulantangin ng Yokohama B-Corsairs ang defending champion Hiroshima, 85-73, noong Linggo ng gabi sa Yokohama International Pool.
Naibalik ng B-Corsairs ang kanilang winning ways sa 2024-25 B.League season, upang umangat sa 9-15 sa Central Conference.
Tumulong si Ravena na limitahan ang Dragonflies, isinalpak ang isang jumper, may dalawa’t kalahating minuto ang nalalabi, pagkatapos ay nagbigay ng assist sa triple ni Gary Clark para sa 83-71 kalamangan ng Yokohama, may 1:44 ang nalalabi.
Makaraang umiskor si Hiroshima’s Dwayne Evans upang kunin ang 10-point lead, pinasahan ni Ravena si Maik Kotsar para sa isang dunk na nagbalik sa 85-73 bentahe, wala nang 90 segundo ang nalalabi, at kumapit ang B-Corsairs magmula roon.
Tumapos si Ravena na may 13 points, 2 assists, at 1 steal sa 25 minutong paglalaro. Nanguna si Clark para sa Yokohama na may 23 points at 12 rebounds.
Nagwagi rin noong Linggo si AJ Edu at ang Nagasaki Velca, na dinispatsa ang Ibaraki, 97-85, sa Adastria Mito Arena. Ang Gilas Pilipinas center ay may 4 points, 2 rebounds, at 1 block sa 16 minutong paglalaro.
Bigo naman ang ilang Pinoy noong Linggo.
Nagtala si Matthew Wright ng 9 points at 4 rebounds sa 97-65 loss ng Kawasaki sa Seahorses Mikawa. Ito ang kanilang ika-10 sunod na kabiguan upang mahulog sa 4-20 sa season.
Yumuko naman ang Osaka Evessa sa powerhouse Chiba Jets, 89-81, sa Ookini Arena Maishima, kung saan nakakolekta si Ray Parks ng 10 points, 3 rebounds, at 2 assists. Naputol ang two-game winning run ng Osaka upang mahulog sa 13-11.
Nalimitahan naman si Dwight Ramos sa 2 points sa 84-79 loss ng Levanga Hokkaido sa league-leading San-En NeoPhoenix sa Toyohashi City Gymnasium. Ang Levanga ay bumagsak sa 9-15 makaraang malasap ang ikalawang sunod na kabiguan.