BABABA MULI ANG SINGIL NG KORYENTE NG MERALCO

ISANG  magandang balita ang naghihintay sa umpisa pa lamang ng taon para sa mga konsyumer ng Meralco. Inianunsiyo ng kompanya na ang singil sa koryente ngayong buwan ay bumaba ng mahigit pitong sentimo kada kilowatt-hour (kWh), o halos P15 para sa mga typical na kumukunsumo ng 200 kWh.

Bunsod ito ng mas mababang singil para sa generation charge mula sa mga power supply agreement (PSA) at Independent Power Producer (IPP) ng Meralco, na bumaba ng P0.1081 kada kWh sa P5.4262 kada kWh, mula sa P5.5343 noong nakaraang buwan.

Ang generation charge ay buong ibinabayad sa mga prodyuser ng koryente, at wala ni piso ang napupunta sa Meralco, gayun na rin para sa transmission charge na siya namang buong ibinabayad sa NGCP na nangangasiwa sa transmission system ng bansa. Ang tangi lamang na sinisingil ng Meralco ay ang distribution charge na mahigit na anim na taon na walang paggalaw.

Ang singil sa koryente ngayong buwan ay isang napakalaking kaluwagan para sa mga konsyumer lalo na para sa mga higit na naapektuhan sa panahon ng pandemya.

Mula pa naman noon, alam na natin kung paano naging mahusay ang Meralco hindi lamang sa serbisyo nito, kundi maski na rin sa malasakit dahil sa ilang mga inisyatibong nailunsad na upang mapagaan ang buhay ng mga konsyumer, at ang mga hindi nasasakupan ng franchise area nito.

Kung ating matatandaan, noong sinalanta ng Bagyong Odette ang Visayas at Mindanao bago matapos ang taon ay hindi nag-atubiling tumulong ang Meralco sa mga kooperatiba sa ilang mga probinsya upang maibalik ang serbisyo ng koryente sa kanilang mga lugar.

Matapos ang pananalanta ng bagyo, agad na nagpadala ang Meralco ng 54 na linemen at engineer sa lalawigan ng Cebu, at nakipagtulungan sa Department of Interior and Local Government (DILG) para naman sa pagpapadala ng higit 106 na linemen at engineer para sa Bohol.

Kaysa magdiwang ng araw ng Pasko kasama ang kanilang pamilya ay pinili ng mga highly dedicated crew na ito na magsilbi sa mga nangangailangan.

Nagpadala rin ang Meralco ng 13 nitong power restoration truck at iba pang sasakyan at kagamitan sa Cebu, habang pito naman sa Bohol para sa restoration effort.

Dagdag pa, sa pagtutulungan ng One Meralco Foundation, mga non-profit organization, at mga lokal na pamahalaan, ay namigay din ng relief package ang Meralco para sa mga apektadong pamilya sa Siargao, Surigao, Leyte, Palawan, Cebu, Bohol, Dinagat Islands, at Guihulngan sa Negros Oriental.

Bukod dito, ilang beses ding itinigil ng Meralco ang pagpuputol ng koryente lalo na noong mga panahong ang nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ), modified ECQ, at granular lockdown, ang mga lugar na sineserbisyuhan nito.

Bilang tulong naman sa mga maliliit na negosyo, ini-waive ng Meralco ang Guaranteed Minimum Billing Demand o GMBD na nakatulong sa higit 95,000 na negosyo dahil sa natipid nilang P3.2 billion sa energy cost. Naging aktibo rin ang Meralco sa pagbibigay ng sustainable solution para sa mga negosyo habang sila ay nag-rerekober mula sa epekto ng pandemya.

Dahil din sa limitadong mobilisasyon at transportasyon, inilunsad ng Meralco ang ilang digital innovation na naglalayong mapadali ang buhay ng mga konsyumer nito, katulad ng Online Customer Appointment (OCA), Virtual Customer Assistance, Meter Reading App, Real-Time Payment Validation app at permanenteng Customer Account Number (CAN). Binago rin ang disenyo ng kanilang bill upang mas lalo itong maintindihan ng mga konsyumer at mas matulungan sila sa kanilang pagkonsumo.

Ang mga inisyatibo at tulong na ito ay patunay na sa kabila ng mga hamong patuloy na hinaharap ng bansa ngayong panahon ng pandemya, tinitiyak ng Meralco na nananatili itong tapat sa pangako nito sa pagiging mapagmalasakit.