BABAE NABAGSAKAN NG BATO MULA SA BUNDOK

QUEZON-PATAY ang isang babae matapos mabagsakan ng malaking bato mula sa tinitibag na bundok nitong Linggo ng umaga sa Sitio Pansol, Brgy Sokol, Atimonan sa lalawigang ito.

Kinilala ang biktima na si Mary, 37-anyos, tubong Naguilian, Isabela at kasalukuyang residente ng Brgy. Sokol Atimonan.

Naganap ang insidente sa lugar ng tinitibag na bundok ng backhoe operator na si Norberto, taga Labo Camarines Norte at live-in patner ng biktima.

Nagpapahinga umano sa duyan ang biktima kasama ang helper at spotter ng back hoe na si Yael Recto Villacruel sa gilid ng kalsada malapit sa tinitibag na bahagi ng bundok, nang magsimulang magtibag ang operator dakong alas-diyes ng umaga.

Nagtawag pa ang operator sa helper para ipa-clear ang area subalit hindi umalis sa pagkakahiga ang ginang ng biglang may natibag na malaking bato at gumulong pababa mula sa taas na nasa tatlumpung talampakan.

Nagtamo ng matinding pinsala sa katawan ang biktima at isinugod pa sa ospital sa Lucena City subalit binawian din ng buhay kinabukasan habang ginagamot.
BONG RIVERA