PANGASINAN- PATAY ang isang 58-anyos na babae matapos na dalawang ulit na matuklaw ng ahas sa San Carlos City sa lalawigang ito.
Batay sa report ng pulisya, ang biktima ay nakilalang si Mercedes Exiomo, residente sa Brgy. Bogaoan San Carlos City, Pangasinan.
Lumitaw sa isinagawang pagsisiyasat ng pulisya, maagang pumunta ang biktima sa kanilang taniman ng gulay upang manguha ng kanyang ibebenta.
Habang nangunguha ng gulay ang biktima ay bigla na lamang itong tinuklaw ng ahas.
Nakatayo at nadala pa sa ospital ang biktima subalit binawian din ito ng buhay makalipas ng ilang oras.
Lumilitaw sa death certificate ng biktima na namatay sanhi ng ‘snakebite with signs of severe envenomation.‘
Sa talaan ng Center for Health Development (CHD) Region 1, hindi si Exiomo ang unang biktima na nasawi sa lugar dahil sa tuklaw ng ahas.
Payo ng mga awtoridad kapag natuklaw ng ahas, agad na pumunta sa ospital at huwag nang hintayin na makaramdam ng sintomas.
Huwag hihiwain o susugatan ang bahagi ng katawan na natuklaw at huwag sipsipin ang kamandag o lason. EVELYN GARCIA